DOH wala pang nakikitang senyales para ipatupad ang ‘total lockdown’ sa bansa

  • Wala pang nakikitang senyales ang DOH para irekomenda ang ‘total lockdown’ sa bansa
  • Pagbabasehan umano nito ang rekomendasyon ng mga eksperto
  • Sa ngayon, limang barangay sa Bontoc pa lamang ang isinailalim sa lockdown

Wala pang nakikitang senyales ang Department of Health (DOH) para muling ipatupad ang total lockdown sa buong bansa kasunod ng pagkadiskubre ng 16 na bagong kaso ng UK variant nitong nagdaang mga araw.

Ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang pagpapatupad ng lockdown ay ibinabase ng gobyerno sa rekomendasyon ng mga eksperto. Isa umano sa isinasaalang-alang ay ang kapasidad ng mga pagamutan at bilang ng kasalukuyang kaso sa bansa.

Imahe mula sa DOH

“Sa ngayon, ‘pag tinitingnan natin, hindi pa naman nagkakaroon ng senyales para magkaroon ng lockdown,” wika ni Vergeire.

Sa kasalukuyan, limang barangay pa lang sa Bontoc, Mountain Province ang isinailalim sa localized lockdown dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID. Magugunitang 12 sa 16 na kaso ng UK variant ay nagmula sa bayan ng Bontoc.

“Mukhang nagwo-work naman sa atin ‘yung granular lockdowns, ‘yung mga localized lockdowns na isinasagawa natin para hindi naman masyado magkaroon ng burdens ang ating ekonomiya,” ayon pa sa opisyal.

Screenshot mula sa DOH

Sa pinakahuling tala ng DOH hanggang nitong Linggo, Enero 24, umabot na 513, 619 ang kabuuang kaso sa bansa matapos itong madagdagan ng 1,949. Nasa 27,765 ang nananatiling active cases; 475,612 ang gumaling, habang 10,242 ang hindi pinalad na makarekober sa sakit.

Karamihan sa bayan at lungsod sa bansa kabilang na ang Metro Manila ay kasalukuyang nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) o general community quarantine (GCQ) maliban sa limang barangay sa Bontoc na isinailalim na sa enhanced community quarantine (ECQ) hanggang sa katapusan ng Enero.

“So we will continue to implement this until that time when the parameters would tell us… that we should have another form of strict restrictions,” wika pa ni Vergeire.

Loading…