DOH walang nakikitang pag-spike ng kaso ng COVID-19 sa Calamba

Imahe mula sa PNA
  • Walang nakikitang paglobo ng kaso ng COVID-19 sa Calamba, Laguna
  • Umuwi kasi roon ang isang lalaki na kabilang sa 16 na pasyenteng mayroong UK variant
  • Wala rin umanong kinalaman ang lalaking taga-Calamba sa 12 kaso ng UK variant sa Bontoc

Walang nakikita ang Department of Health (DOH) na biglaang paglobo ng kaso ng COVID-19 sa Calamba, Laguna kahit pa ang tagaroon ang isa sa nagkaroon ng UK variant na unang napaulat.

Ayon kay Dr. Althea de Guzman, isang medical specialist ng DOH Epidemiology Bureau, isa sa kaagad nilang tiningnan matapos lumabas ang genome sequencing noong nakarang linggo ay ang datos ng bayan kung saan nagmula ang mga pasyente.

Imahe mula sa Wikimaps

Ang lalaking returning overseas Filipino (RFO) na isa sa 16 na kaso ng UK variant na iniulat ng DOH noong Biyernes ay nagtungo sa Calamba noong Disyembre.

“Tiningnan din namin ‘yung datos ng Calamba at ‘yung barangay kung saan naka-indicate ang kanyang residence, pero sa ngayon wala kaming nakikita na pag-spike,” ani Dr. De Guzman.

Sa katunayan umano, ang Calamba ay patuloy na mayroong negative growth rate ng COVID sa halip na positive growth rate.

Ang lalaking ROF ay isang 23-anyos na radiologic technician na umuwi sa bansa noong Disyembre 4 mula sa UK. Siya ay nagnegatibo sa isinagawang testing nang dumating.

Imahe mula sa NPR

Subalit nakaranas ito ng sintomas ng COVID makaraan ang dalawang araw at noong Disyembre 10 ay nagtungo sa Maynila para magpa-testing at kaagad nagpa-home quarantine.

Noong Disyembre 16 ay nagpositibo siya sa COVID-19 at gumaling hanggang sa magnegatibo makaraan ang isang buwang quarantine. Bumalik siya sa UK noong Enero 18.

Noong Enero 22, inilabas ng DOH na mayroong panibagong 16 na kaso ng UK variant maliban sa naunang napaulat na residente ng Quezon City.

Imahe mula sa Wikipedia

“Nag-request ang DOH na kung mayroong natirang specimen doon sa original swab, ipadala doon sa genome sequencing at true enough, lumabas nga na UK variant,” ani Calamba City Health Office chief Dr. Adelino Labro.

Patuloy namang binabantayan ngayon ang mga taong nakasalamuha ng lalaki, kabilang na ang pamilya ng kaniyang ninong kung saan siya tumuloy sa Calamba, subalit wala naman umanong naitatalang kaso ng COVID.

Nilinaw rin ng DOH na walang koneksiyon ang kaso ng lalaking taga-Calamba sa 12 kaso ng UK variant sa Bontoc, Mountain Province.

Loading…