Duterte muling iginiit na walang planong manatili pa sa puwesto: “Tapos na ako”

Screenshot mula sa RTVM Facebook video
  • Muling iginiit ni Pangulong Duterte na wala siyang planong manatili sa puwesto
  • Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa gitna ng usap-usapan ng charter change
  • Dati na rin itong itinanggi nina Roque at Senate President Tito Sotto

Buo na ang pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumaba sa puwesto pagkatapos ng kaniyang termino sa Hunyo 30, 2022.

Ginawa ng Pangulo ang nasabing pahayag sa gitna ng usap-usapan ng diumano’y charter change o cha-cha na layong palawigin pa ang termino ni Duterte sa Malakanyang.

Iginiit ni Duterte na hindi ‘term extension’ ang layunin ng cha-cha kung hindi upang susugan ang ilang economic provision at ilang provision sa Saligang Batas tungkol  sa usapin ng partylist system.

Imahe mula sa Twitter

“A sad commentary is that lahat sa Pilipinas bumibigay—lahat, without exception. Kaya nga hinihingi kong Congress, akala nila talagang mga term extension,” anang Pangulo sa kaniyang talumpati sa pagpapasinaya ng Skyway Stage 3 nitong Huwebes.

“My God, maski ibigay mo sa akin on a silver platter, maski ibigay mo sa akin, libre, another 10 years, sabihin ko sa’yo… iyo na lang iyan, tapos na ako,” dagdag na pahayag ni Duterte.

Nauna nang itinanggi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nais baguhin ng ilang mambabatas ang Konstitusyon lalo na ang bahaging may kinalaman sa paglilimita sa termino ng mga opisyal ng pamahalaan.

Imahe mula sa PNA

Wika ni Roque, ‘tsismis’ lamang ito at wala na talagang plano si Pangulong Duterte na manatili pa sa Malakanyang pagkatapos ng kaniyang anim na taong termino.

“The President has made it clear, wala po s’yang kahit anong kagustuhan na manatili ng isang minuto man lang beyond his term of office on June 30 of 2022,” ayon kay Roque.

Sinegundahan naman ito ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na noong nakaraang linggo ay nagsabing hindi nabanggit ng presidente ang tungkol sa term extension nang sila ay magpulong noong nakaraang taon kasama ang ilang senador at kongresista.

Loading…