Edad 10 hanggang 65 anyos puwede nang lumabas sa mga MGCQ areas simula Pebrero

Imahe mula sa Inside Retail Asia
  • Maaari nang lumabas ng bahay ang mga batang edad 10 anyos pataas sa mga MGCQ areas
  • Mananatili namang hanggang edad 65 na senior citizen lamang ang papayagan simula sa Pebrero 1
  • Ito ay kasunod ng panawagan ng DTI na luwagan ang restriction sa edad upang tulungang sumigla ang ekonomiya

Papayagan nang makalabas ng bahay ang mga batang edad 10 anyos pataas simula sa Pebrero 1 sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ); ito ay ayon sa pinakahuling update ng Malakanyang.

Sa mga matatanda naman ay mananatiling hanggang senior citizen na edad 65 lamang ang puwedeng makagala.

“Sa MGCQ, ano po ‘yun inapruban? Pupuwede na pong lumabas ang mga bata na may edad 10 gulang hanggang senior citizens na 65 years,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa kaniyang anunsiyo sa telebisyon nitong Biyernes.

“Any person below 10 years old and those who are over 65 years of age shall be required to remain in their residence at all times,” dagdag pa nito.

Sa kasalukyang umiiral na guideline ng IATF, edad 15 hanggang 65 anyos lamang ang pinapayagang makalabas ng kanilang bahay.

Inaprubahan ng IATF ang pagbabago kasunod ng panawagan ng Department of Trade and Industry (DTI) na ibaba ang edad ng mga pinapayagang makalabas upang tulungang makabangon ang ekonomiya ng bansa.

Imahe mula sa PH Lifestyle News

Iminungkahi dati ni DTI Sec. Ramon Lopez na luwagan ang restriction sa edad ng maaaring makalabas para pasiglahin ang ekonomiya. Hindi pa rin daw kasi nakaaabot sa ‘pre-pandemic level’ ang economic activity sa kabila ng pagbubukas ng mga negosyo.

Samantala, para sa mga lugar naman na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ), hinihikayat din ng Palasyo na sundin ang bagong panuntunan subalit ipinauubaya pa rin umano ito sa desisyon ng local government units o LGUs.

“Yung mga lokal na pamahalan sa lugar na GCQ, hinihikayat po sana payagan lumabas ang 10 to 65 pero desisyon pa rin yan ng lokal na pamahalaan,” paglilinaw ni Roque.

Loading…