Efren ‘Bata’ Reyes nakatanggap ng artwork mula sa tagahanga

Imahe mula sa Facebook | John Marko David Dadulo
  • Niregaluhan ng isang tagahanga ang batikang pool player na si Efren ‘Bata’ Reyes
  • Dalawang buwan daw ginawa ni John Marko David Dadulo ang fan art para sa kaniyang idolo
  • Laking tuwa niya nang sa wakas ay naibigay niya na ang kaniyang artwork na sinuklian naman ni Efren ng matamis na ngiti

Matamis na ngiti ang isinukli ng batikang pool player na si Efren “Bata” Reyes sa isang 19 anyos na tagahanga mula sa Pampanga na gumawa ng obra para sa kaniya.

Imahe mula sa Facebook | John Marko David Dadulo

Ibinahagi ni John Marko David Dadulo sa Facebook group na Guhit Pinas ang kaniyang obra na gawa sa charcoal pencil at powder.

“Sa wakas, naibigay na rin kay Sir Efren ‘Bata’ Reyes, The Magician. Dream come true and another achievement for me as an artist,” sabi ni John. “Nakawawala ng pagod lalo na nung napangiti si Sir Efren sa painting. To God be all the glory.”

Kuwento ni John sa ABS-CBN News, bata pa lang siya ay idolo niya na si Efren dahil mayroong bilyaran ang kaniyang lolo at lola noon at sadyang matunog ang pangalan ng “The Magician.”

Imahe mula sa Facebook | John Marko David Dadulo

Nang sa wakas ay nakita niya na ang idolo ay napawi raw ang pagod sa obrang dalawang buwan niyang pinaghirapan.

“Sobrang nakakaalis po ng pagod. Worth it lahat ng pagpupuyat doon sa artwork. Wala po akong masabi noong pinapakita ko po sa kaniya ‘yong artwork. Mangiyak-ngiyak po ako sa tuwa,” sabi ni John sa isang panayam sa ABS-CBN.

Samantala, nabiktima naman ng death hoax si Efren kaya agad na nag-react ang kaniyang anak at nagbahagi pa ng video ng ama.

“Sa mga nagshe-share at nakakabasa ng mga lumalabas na balitang patay na si tatay, huwag po kayong maniwala. Fake news lang po ‘yan,” sabi ni Chelo Reyes sa isang Facebook post.

“Diyos na bahala sa inyong mga nagpapakalat ng ganiyang balita.”

Loading…