Elon Musk naungusan na si Jeff Bezos ng Amazon bilang pinakamayamang tao sa buong mundo

Imahe mula sa The Verge/Observer
  • Si Elon Musk ng Tesla na ngayon ang pinakamayaman sa mundo base sa listahan ng Bloomberg
  • Naungusan niya pareho ang dating #1 na si Jeff Bezos ng Amazon at si Bill Gates ng Microsoft
  • Samantala, tanging si Manny Villar lamang ang Pilipino na nakapasok sa Top 500

Nalampasan na ni Tesla boss Elon Musk si Amazon founder at CEO Jeff Bezos bilang pinakamayamang tao sa buong mundo base sa pinakahuling tala ng Bloomberg Billionaire Index nitong Biyernes, Enero 8.

Ayon sa Bloomberg, umabot na sa $195-B ang yaman ni Musk, mas mataas ng $10-B sa $185-B ni Bezos na dating nanguna sa listahan sa nagdaang apat na taon.

Imahe mula sa Business Insider

Isa sa naging dahilan ng biglang paglobo ng yaman ng 49 anyos na bilyonaryong entrepreneur na ipinanganak sa South Africa ay ang pagtaas ng share price ng Tesla dahil sa paglaki ng demand sa mga electric cars ngayong taon.

Ang market value ng Tesla, kung saan mayroong 20% share si Musk, ay tinatayang mahigit $700-B; higit na mas malaki pa kesa sa pinagsamang market value ng Toyota, Volkswagen, Hyundai, GM at Ford.

Maliban sa Tesla, pag-aari rin ni Musk ang rocketship company na SpaceX na mayroong kontrata sa NASA para magdala ng mga austronauts sa International Space Station.

Imahe mula sa Entrepreneur

Bukod kay Bezos, naungusan rin ni Musk si Microsoft founder Bill Gates na mayroong yamang $134-B at ngayon ay nasa ikatlong puwesto na lamang.

Sumunod kay Gates si Bernard Jean Étienne Arnault, ang chairman at CEO ng LVMH Moët Hennessy – Louis Vuitton SE, ang pinakamalaking luxury-goods company sa mundo ($116-B); habang panglima naman si Facebook CEO Mark Zuckerberg na mayroong yamang $102-B.

Pasok din sa top ten ng Bloomberg Billionaire Index sina  Zhong Shanshan ($93.1-B) ng China; Warren Buffett ($88.2-B); Larry Page ($83.6-B); Sergey Brin ($81.0-B); Larry Ellison ($80.0-B) na pawang mga taga Estados Unidos.

Screenshot mula sa Bloomberg

Samantala, si dating Senate President Manny Villar lamang ang tanging Pinoy na nakapasok sa Top 500 ng nasabing listahan.

Ang dating pulitiko at kasalukuyang chairman ng Vista Land & Lifescapes ay mayroong tinatayang yaman na $6.72-B o halos P323-B para maging pang-383 sa listahan. Mas mababa ito ng 123 puwesto noong nakaraang taon kung kailan nasa 260th na si Villar.

Loading…