
- Isang empleyado ng DPWH sa Caraga ang nagsauli ng bag na may lamang pera
- Naiwan ang bag ng isang empleyado naman ng kooperatiba
- Pinuri ang DPWH employee dahil hindi nito pinag-interesan ang salaping laman ng bag
Isang empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Caraga Region ang hinangaan ang katapatan matapos isauli ang napulot na bag na mayroong laman na malaking halaga ng pera.
Kinilala ang matapat na empleyado na si Bernardo Dela Cruz, isang survey aide na naka-assign sa DPWH Region XIII.

Nakita umano ni Dela Cruz ang itim na bag habang nagbibisikleta mula sa palengke pauwi sa kanilang bahay noong Enero 20 bandang alas-6 nang hapon.
Nang tingnan ang loob ng bag, nagulat si Dela Cruz nang makita ang ilang bungkos ng pera na umabot sa P360,000 ang halaga. Sinubukan niyang hanapin kung may mga dokumento o ID ng may-ari sa loob.
Bagama’t mayroon ngang ID, wala namang nakasaad na contact details dito umano.
Kinabukasan ay agad niya itong ipinagbigay-alam sa hepe ng DPWH Administrative Division na si Atty. Joey D. Gingane na kaagad gumawa ng aksiyon para matunton ang may-ari.

Napag-alaman na nga may-ari ng bag ay si Jean Hinayon, isang secretary-cashier ng San Isidro Upland Farmers Multipurpose Cooperative (SIUFMULCO) sa Santiago, Agusan del Norte.
Ayon kay Hinayon, nagpa-encash siya noon ng tseke ng kooperatiba subalit nakalimutan niya ang bag na akala niya ay naiwan sa sinakyang multi-cab. Subalit hindi na niya umano naabutan pa ang multi-cab kaya kaagad niya itong ipinagbigay-alam sa pulisya.
Akala raw niya ay hindi na mababawi ang pera kaya malaki ang pasasalamat niya sa ginawang pagsauli ni Dela Cruz.
Pinuri naman ng kaniyang mga katrabaho si Dela Cruz dahil sa kabila ng hirap ng buhay ay hindi ito nasilaw sa salapi.