Face masks na gawa sa tela puwede pa ring gamiting proteksyon kontra sa COVID-19 variants

Imahe mula sa NDTV
  • Kahit may bagong COVID-19 variants inirerekomenda pa rin ng WHO ang paggamit ng face masks na yari sa tela
  • Mabilis mang makahawa, hindi naman nabago ang paraan ng pagkalat ng new COVID-19 variants
  • Para may sapat na proteksyon, sinabi ng WHO na dapat ay may tatlong layers ang face masks na gawa sa tela

Hindi pa rin babaguhin ng World Health Organization (WHO) ang guidance nito na nagrerekomenda sa paggamit ng mga face masks na gawa sa tela sa kabila ng pagkalat ng bagong mga variants ng COVID-19 dahil hindi naman umano nag-iba ang transmission ng mga iyon.

Imahe mula sa WHO

Ayon kay Maria Van Kerkhove, ang COVID-19 technical lead ng WHO, maaaring ang mga bagong variants ng COVID-19 ay mas mabilis makahawa, pero ayon daw sa mga pag-aaral ng mga bagong variants sa United Kingdom at South Africa ay wala namang indikasyon na nabago ang paraan ng pagkalat ng virus.

“It spreads the same way,” aniya.

Sabi ng WHO, puwedeng gumamit ng mga face masks na yari sa tela o iyong mga tinatawag na non-medical face masks ang publiko na ang edad ay mas mababa sa 60 at walang underlying medical conditions.

Ang medical face masks ay inirerekomenda ng WHO sa mga health workers na nasa ospital o klinika, sa mga taong hindi maganda ang pakiramdam, ang mga taong naghihintay ng resulta ng COVID-19 test o ang mga nagpositibo rito, at sa mga taong nag-aalaga ng mga pinagsusupetsahan o kumpirmadong may COVID-19 infection.

Imahe mula sa The Economic Times

Inirerekomenda rin ang medical face masks sa mga taong edad 60 pataas na mayroong underlying health conditons dahil mataas ang tsansa nilang magkaroon ng malubhang karamdaman.

Sabi pa ni Van Kerkhove, kung mayroong mga pagbabago ay ia-update nila ang kanilang guidance tungkol sa paggamit ng fabric face masks.

Aniya, dapat ay may three layers ang fabric face masks para sapat ang proteksyong maibibigay niyon. Ang inner layer daw ay dapat water absorbent tulad ng cotton, ang gitnang layer ay non-woven polypropylene na magsisilbing filter at ang outer layer ay dapat water resistant tulad ng polyester.

Imahe mula sa WHO

Loading…