Face-to-face classes sa ilang unibersidad pinayagan na ng CHED

Imahe mula sa PNA
  • Pinayagan na ng CHED ang ilang unibersidad na magsagawa ng face-to-face classes
  • Inaprubahan umano ng Pangulo ang rekomendasyon nila, ayon sa CHED
  • Samantala, ikinukonsidera naman ng DepEd ang Negros Oriental bilang pilot testing ng face-to-face classes

Pinayagan na ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagsasagawa ng limitadong face-to-face classes sa piling kolehiyo at unibersidad sa bansa na may kursong medicina at allied health sciences.

Ang mga eskuwelahang ito, base sa ulat ng GMA News, ay nasa mga bayan at lungsod na nasa ilalim ng modified general community quarantine o MGCQ.

Imahe mula sa UP

“The president has approved my recommendation to have limited face-to-face [classes] within higher education institutions in medicine and allied health sciences in MGCQ areas and in GCQ areas where the students go into COVID-19 hospitals,” pahayag ni CHED Chairperson Prospero De Vera III.

Ilan umano sa nagsasagawa na ng face-to-face classes ngayon ay ang University of the Philippines (UP) Manila, Ateneo de Manila University at ang Our Lady of Fatima University sa Valenzuela City.

Samantala, sa kaugnay na balita, tinitingnan ng DepEd ang probinsiya ng Negros Oriental bilang pilot testing areas para sa pagbabalik ng face-to-face classes sa mga darating na buwan.

Magugunitang nakaplano na sana ang pagbabalik ng face-to-face classes nitong Enero subalit binawi ito ng Malakanyang dahil sa pagsulpot ng mas nakahahawang variant ng COVID-19.

Screenshot mula sa RTVM video

Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones nitong Lunes, nakatanggap siya ng ulat mula kay DepEd Region 7 regional director Dr. Salustiano Jimenez na nagdadalawang-isip si Gov. Roel Degamo tungkol sa planong ito dahil sa pagdami ng kaso ng COVID sa probinsiya.

Sa kabila nito, nagpahayag umano ng kahandaan ang bayan ng La Libertad na sumali sa pilot testing. Sa kabuuan, mga 118 eskuwelahan sa Negros Oriental ang dati sana ay kasali bago isuspendi ng Palasyo ang plano.

“If they can comply with requirements, we will consider them, however, there are some requirements that must be met,” ani Briones.

Tiniyak din ng kalihim na kapag nagbago ng desisyon ang Malakanyang, siguradong mauuna sa listahan ang probinsiya dahil sa pagiging aktibo nito sa edukasyon.

Loading…