Galvez iginiit na ‘fair’ at ‘best price’ ang bibilhing Sinovac vaccine mula China

Imahe mula sa Twitter
  • Iginiit ni Sec. Galvez na hindi nagkakalayo ang presyo ng Sinovac na bibilhin ng Pinas sa nabili ng Indonesia
  • Ito na umano ang ‘best’ at ‘fair price’ base sa kanilang negosasyon
  • Bagama’t hindi pa masabi ni Galvez ang aktuwal na negotiated price, tiniyak naman nito na isasapubliko ito sa tamang panahon

Tiniyak ni czar vaccine Sec. Carlito Galvez na hindi nagkakalayo ang presyo ng bibilhing Sinovac vaccine ng Pilipinas sa presyo nito sa Indonesia at iba pang kalapit-bansa.

Ginawa ng kalihim ang paglilinaw sa gitna ng mga batikos na may kamahalan ang presyo ng Sinovac na bibilhin ng Pinas kumpara sa nabili ng Indonesia.

Imahe mula sa NEDA

“I can assure you that the price of Indonesia and the price of the others will be almost, hindi po nagkakalayo,” ani Galvez sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee of the Whole.

Ang Sinovac ang lumalabas na prayoridad ng Pilipinas at kasalukuyan nang nakikipagnegosasyon ang ilang opisyal sa Chinese pharmaceutical company.

“I can assure you that in our negotiation, the prices relative to our neighbors are fair and considered the best price,” pagtitiyak pa ng kalihim.

Nabatikos ang ilang opisyal na nangangasiwa sa pagbili ng bakuna matapos lumabas sa mga ulat na nagkakahalaga ng mahigit P3,600 ang Sinovac na bibilhin ng Pinas; ‘di hamak na mas mahal sa presyong ibinigay sa Indonesia na nagkakahalaga lamang ng $13.57 or P651.

Imahe mula sa Nikkei Asia/CGTN

Hindi naman mailahad pa sa publiko ni Galvez ang aktuwal na negotiated price ng mga bakuna, kabilang na ang Sinovac, upang hindi umano maapektuhan ang kanilang negosasyon sa mga manufacturer nito.

Ganunpaman, nangako ang kalihim na pormal itong isasapubliko sa tamang panahon.

Ang mga bakuna ay nabili ng gobyerno sa pamamagitan ng multilateral arrangements sa mga fund managers tulad ng Asian Development Bank (ADB) at World Bank (WB). Sa ganitong paraan, paliwanag ni Galvez, ay makatitiyak ang publiko na magiging istrikto at ‘transparent’ ang gagawing pagbili.

Source :

GMA News, Abante, PNA

Loading…