Galvez: Nakatipid ang Pinas ng $700-M sa pagbili ng COVID vaccine

Screenshot mula sa RTVM video
  • Nakatipid umano ng $700-M ang Pilipinas sa pagbili ng bakuna
  • Naibaba kasi nila sa halos kalahati ang presyo nito, ayon kay Sec. Galvez
  • Muling iginiit ni Galvez na malinis ang kanilang naging negosasyon dahil wala naman silang hawak na pera

Malaking pera umano ang natipid ng gobyerno sa pagbili ng bakuna; ito ang ipinagmalaki ni vaccine czar Carlito Galvez kay Pangulong Rodrigo Duterte sa ginanap na televised national briefing nitong Lunes ng gabi.

Lahad ni Galvez, naibaba nila ang presyo ng bakuna sa halos kalahati nito kaya umabot sa $700-M umano ang natipid ng pamahalaan.

Tiniyak din ng kalihim na nakuha nila ang bakuna sa pinakamababang presyo nito na halos walang tubo.

Screenshot mula sa RTVM video

“Maipapangako ko po sa lahat ng ating mga kababayan na lahat ng negosasyon, at cost, meaning, no profit. At noong kinompute ko po lahat ng brand, lumalabas po na naka-save po tayo ng $700 million,” turan ni Galvez sa briefing niya kay Duterte.

Ito raw ang dahilan kung bakit mahigit sa doble pa ang bilang ng doses na kanilang nakuha kumpara sa orihinal na plano.

“Meaning ‘yung kaniyang tinatawag natin na offer price, naibaba po natin ng halos kalahati. Kaya ang nangyari po, ‘yung aming plano ni Sec. Duque na 70 million doses, umangat po ng 148 million doses,” wika ng kalihim.

Patunay umano ito na talagang maganda ang presyo ng bakunang napili nila para bilhin dahil halos lahat ng halagang ibinigay sa kanila ay bentahe para sa gobyerno.

Screenshot mula sa RTVM video

Muli ring iginiit ni Galvez na ‘malinis’ ang kanilang deal lalo pa’t wala naman silang hinahawakang pera dahil ang magbabayad nito ay bangko.

“Alam po natin ang transaction ng bangko, talagang malinis po ‘yan. Kumbaga sa ano, hindi po tayo magkakaroon ng tinatawag na corruption because of the World Bank integrity at saka po ‘yung Asian Development Bank,” pagtitiyak ng opisyal.

Nabatikos ang planong pagbili ng bakuna ng pamahalaan matapos lumabas sa mga ulat na lubhang mahal ang presyo ng Sinovac galing China kumpara sa presyo ng nabiling kaparehong bakuna ng bansang Indonesia.

Bagama’t ayaw pang isapubliko ni Galvez sa ngayon ang tunay na presyo ng mga bakunang bibilhin dahil sa non-disclosure agreement, tiniyak nito na malalaman ng mamamayan ang katotohanan sa tamang panahon.

Loading…