Gamot sa arthritis mabisang panlunas sa mga pasyenteng may COVID-19

Imahe mula sa IWTR
  • Epektibong panlunas sa mga COVID-19 patients na nasa ICU ang dalawang gamot sa arthritis
  • Napatunayan ito sa isinagawang clinical trial ng British government
  • Ang dalawang medisina ay ang tocilizumab at sarilumab

Napatunayan sa isang pag-aaral na pinondohan ng British government na epektibong panlunas sa mga pasyentteng may COVID-19 ang dalawang gamot para sa arthritis. Ang isa roon ay gawa sa Japan.

Imahe mula sa Penn Medicine

Batay sa clinical trials na ginawa, bumaba ng hanggang 24% ang bilang ng mga pasyenteng hindi nakaliligtas sa novel coronavirus nang mabigyan ng “tocilizumab,” na na-develop ng Osaka University at Japanese firm na Chugai Pharmaceutical Co., at ng “sarilumab” sa loob ng 24 oras matapos silang ipasok sa intensive care unit (ICU).

Napapaikli rin umano nang mula pito hanggang sampung araw ang inilalagi sa pagamutan ng mga pasyente na nabigyan ng mga naturang medisina.

Ipinahayag ng UK government na simula sa Biyernes, January 15, ay sisimulan nang bigyan ng tocilizumab at sarilumab ang mga malulubhang pasyente na nasa ICU.

Tinawag ni British Health Secretary Matt Hancock ang ginawang clinical trial bilang isa na namang “landmark development” para matapos na ang pandemya.

Pinuri naman ni British Deputy Chief Medical Officer Jonathan Van-Tam ang tagumpay. Makatutulong umano ang dalawang gamot sa arthritis upang maibsan ang “pressure” sa “intensive care services” at makasagip ng buhay.

Imahe mula sa Roche/Kevzara

Nauna nang inihayag ng Swiss pharmaceutical firm na Roche noong Setyembre ng nakaraang taon, batay sa clinical trial na ginawa nito sa tocilizumab ay nabawasan ang pangangailangan ng mga COVID-19 patients na gumamit ng mechanical ventilator.

Ang tocilizumab ay mabibili sa merkado sa pangalang Actemra o RoActemra.

Loading…