Sen. Gatchalian nais rendahan ang ‘di makataong paniningil ng utang na gumagamit ng takot at dahas

Imahe mula sa Business World
  • Nais ni Gatchalian na magkaroon ng proteksiyon sa batas ang mga may utang laban sa pagmamalabis
  • Marami umano ngayong pandemya ang nakararanas ng pananakot
  • Bagama’t ang utang ay dapat namang bayaran, dapat daw ay maayos ang proseso ng paniningil

Matapos makatanggap ng mga reklamo, nais ni Senador Sherwin Gatchalian na bigyang proteksiyon ang mga taong may utang na nakararanas ng pang-aabuso at pananakot mula sa mga naniningil.

Sa pamamagitan ng kaniyang isinusulong na Senate Bill No. 1366 o ang panukalang “Fair Debt Collection Practices Act,” maglalagay ng maayos na proseso ang batas para sa paniningil ng utang na hindi gumagamit ng dahas o hindi makataong paraan.

Imahe mula sa The Post Star

“Lalo na ngayon na pandemya, nakaka-receive tayo ng maraming mga text tungkol sa pagpapautang, tungkol sa mabilis na utang o kumuha ng utang, iba dito loan free, iba dito mababa ang interes pero ang kapalit naman nito ay ‘yung harassment na ginagawa kapag naniningil at karamihan po dito gumagamit ng dahas o violence para magbayad,” ani Gatchalian sa isang panayam sa radyo.

Sa ngayon daw kasi, ang mga utang sa bangko at lending insitutions ay ibinebenta sa isang pribadong kompanya na siyang maniningil at karamihan sa mga ito ay gumagamit ng agresibong pamamaraan tulad ng pagpunta sa bahay, pagtawag at pananakot para makakolekta.

Naranasan umano ito ng isa niyang kaibigang may utang sa bangko na pinupuntahan pa sa kanilang bahay at kinakausap ang kaniyang asawa na natatakot naman.

Image by Senator Win Gatchalian via Facebook

“So may mga ganito makikita natin na pananakot ang ginagamit para magbayad ka. Ang gusto naman natin ay lagyan naman ng tamang proseso para po hindi naman umabot sa ganitong punto, intimidation, pananakot para po maningil,” paliwanag ng senador.

Minsan naman umano ay sa mga law firm din ibinebenta ang mga utang at ginagamit ang abogado nila para makapaningil. Ang mga abogado naman ay kumikita depende sa porsiyento ng kanilang nakolekta.

Iginiit ng mambabatas na bagama’t ang utang ay dapat bayaran, kailangang may legal na proseso para maging pantay at transparent ang pangongolekta.

Loading…