Gawa sa kamote na serbesa ipinagmamalaki ng Batanes

Imahe mula kay Dr. Alfonso Simon
  • Nakagawa ng serbesa mula sa kamote ang Batanes State College
  • Inilipat ng BSC ang teknolohiya ng paggawa ng Ivatan Beer sa isang lokal na negosyante
  • Tinatayang nasa P95 hanggang P100 ang bawat 330ml ng Ivatan Beer kapag inilabas na ito sa merkado

Sinimulan na sa Batanes ang komersyalisasyon at mass production ng beer na gawa mula sa kamote – ang Ivatan Beer.

Imahe mula sa DOST-2

Ang Ivatan Beer ay na-develop ng Batanes State College (BSC) Research and Development Department. Noong taong 2018, nakatanggap ng P400,000 ang BSC mula sa Department of Science and Technology Regional Office 2 (DOST-2) para gawin ang naturang inumin.

Taong 2019 unang ipinakilala ito sa publiko nang idaos ang Science and Technology Caravan na ginawa sa Basco, Batanes.

Inilipat ng BSC ang teknolohiya sa paggawa ng Ivatan Beer sa isang lokal na negosyante – si Dennis Lim ng Tawsen Agri Ventures. Ang Technology Licensing Agreement ay nilagdaan ni BSC President Dr. Alfonso Simon at ng negosyante. Ang paglagda sa kasunduan ay sinaksihan ng DOST-2 na nag-isyu ng Fairness and Opinion Report para sa terms and conditions ng licensing agreement.

Imahe mula sa PIA Region 2

“The fact that the Ivatan Beer is made from the locally-grown ‘wakay’ or sweet potato, which is abundant in the province of Batanes, the product becomes even more interesting and appealing to the locals of Batanes,” pahayag ni Dr. Alfonso Simon.

Sinabi naman ni Dennis Lim, na isang college instructor bago naging negosyante, na bukod sa makatutulong sa turismo ng Batanes ang Ivatan Beer, makapagbibigay pa ito ng trabaho at kabuhayan sa mga lokal na residente ng probinsya.

“The development of this product will further enhance the primary industry of the province, which is tourism. This will not only mean establishing a support industry in the market but also generating employment, especially a market of raw materials for the farmers,” aniya.

Tinatayang nasa P95 hanggang P100 ang bawat 330ml ng Ivatan Beer kapag inilabas na ito sa merkado.

Imahe mula kay Dr. Alfonso Simon

Loading…