Ginamit na bridal car sa Sultan Kudarat “Hello Kitty” ang tema

  • Kakaiba ang bridal car ng ikinasal na couple sa Sultan Kudarat
  • Ito ay may disenyo ni Hello Kitty
  • Paborito kasi ng bride ang naturang Sanrio character, kaya labis ang kaniyang tuwa nang mabalitaang may customized van na may disenyo nito sa kanilang lugar

Kinatuwaan ng mga netizens ang ginamit na bridal car ng ikinasal na couple sa Isulan, Sultan Kudarat sa Mindanao nitong Disyembre 30, 2020.

Ayon sa may-ari ng van na may mga disenyo ni “Hello Kitty na si Janice Equiapado Dereza, nabili niya ang sasakyan noong Agosto 2020 at pinasadya o customize ang disenyong Hello Kitty-theme, ang sikat at kinagigiliwang Sanrio character.

Imahe mula sa Facebook account ni Patrick Ivan Esaki Bartal / Janice Dereza

Ayon sa panayam ng DZMM Teleradyo, for family use lang sana ito subalit naisipan nilang gamitin ito sa negosyo, dulot na rin ng pandemya. Kailangan umanong gumawa ng mga paraan upang madagdagan ang kita.

Marami naman sa kanilang mga kalugar ang umaarkila rito sa iba’t ibang okasyon gaya ng birthday surprise, anniversary at iba pa. Panghuli nga, ginamit itong bridal car sa kasal nina Aivan at Glyn Matunding. Paborito umano ng bride ang karakter na si Hello Kitty.

Ayon kay Glyn, talagang hobby o paboritong pagkaabalahan ang pangongolekta ng Hello Kitty-inspired items, kaya ganoon na lamang ang kasiyahan niya nang malamang may Hello Kitty-themed van si Janice na maaari niyang gamitin bilang bridal car.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens.

“Wow, congratulations sa bagong kasal! Sa panahon ngayon, kailangang maipagpasalamat natin sa Diyos na naikasal tayo at nabigyan pa tayo ng pagkakataon na maging maligaya, kapiling ang taong nakikita nating makakasama natin panghabambuhay,” saad ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Janice Dereza

Turan naman ng isa, “Wow this is very unique! Hindi lang sa bahay o kuwarto makikita si Hello Kitty design kundi sa kotse rin. Instagrammable ‘ika nga! Galing ng naisip na business ni Miss Janice. Anyways, congratulations sa bagong kasal!” pahayag naman ng isa.

“Something na nakaka-enlighten at nakakaganda ng mood! Sabi nga, once in a lifetime lamang ang maikasal sa tamang pagkakataon at tamang tao, so cherish the moment!” wika naman ng isa.

Pagbati sa mga bagong kasal, at good job sa iyo, Janice!

Loading…