Graduating PNPA cadet na-dismiss dahil sa pananakit sa kapwa kadete

Imahe mula sa PNPA
  • Ipina-dismiss ni PNP chief Debold Sinas ang isang graduating PNPA cadet matapos niyang gulpihin ang kapwa kadete
  • Nag-ugat ang insidente nang sitahin ng biktima ang suspek, kasama ang dalawa pang kadete, na nag-iinuman sa roof deck ng isang gusali sa PNPA
  • Pinasasampahan din ni Sinas ng administrative cases ang suspek

Ipinag-utos ni PNP chief General Debold Sinas na ma-dismiss mula sa Philippine National Police Academy (PNPA) at sampahan ng administrative cases ang isang graduating cadet dahil sa ginawa nitong pananakit sa kapwa kadete.

Imaher mula sa PNP PIO

Inatasan ni Gen. Sinas ang Directorate for Human Resource and Doctrine Development na ilagay sa ilalim ng restriksyon ang mga kadete na sangkot sa insidente habang isinasagawa ng Directorate for Personnel and Records Management ang termination at dismissal proceedings.

Hindi umano kinukunsiti ng PNP ang anumang uri ng kawalan ng disiplina.

“The PNP has no tolerance for wrongdoing of erring personnel, and will never tolerate any misconduct, abuse or breach of discipline,” pahayag ng PNP chief kaugnay ng pangyayari sa PNPA.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, inumbag umano ni Cadet 1st Class Denvert Dulasi ang kaklase niyang si Cadet 1st Class Joab Nacnasat sa roof deck ng isang school building ng Camp Castañeda sa Silang, Cavite noong bisperas ng bagong taon, December 31, 2020.

Naganap ang insidente dakong alas-onse ng gabi.

Imahe mula sa PNPA

Pinagsabihan umano ni Cadet Nacnas si Cadet Dulasi at dalawa pang kadete na kinilalang sina Cadet 1st Class Guminigin at Cadet 1st Class Tudlong na naaktuhan niyang nag-iinuman sa roof deck ng isang gusali sa PNPA.

Nauwi sa mainit na pagtatalo ang ginawang paninita na humantong sa pananakit ni Dulasi kay Nacnas.

Agad isinugod si Nacnas sa kalapit na Qualimed Hospital para lapatan ng lunas. Naideklara kalaunan na nasa stable condition na ang kadete at walang bakas ng internal injury batay sa CT scans at X-ray examinations.

Si Dulansi ay dinala sa Silang Municipal Police Station para sa imbestigasyon.

Imahe mula sa PNPA
Source :

Inquirer, CNN PH

Loading…