
- Umapela sa Cebu City government ang Cebu Medical Society na huwag nang ituloy ang Sinulog Festival 2021
- Ang Sinulog ay isa umanong okasyon kung saan nagtatagpo ang maraming performers at spectators
- Nag-aalala ang grupo sa desisyon ng Cebu City government na ipagpatuloy ang ginagawang preparasyon sa mga aktibidad na may kinalaman sa Sinulog 2021
Nanawagan sa Cebu City government ang isang grupo ng mga doktor at iba pang medical professionals na huwag nang ituloy ang pagsasagawa ng Sinulog Festival na siguradong hahakot ng maraming tao – mga performers at manonood.

Naglabas ng statement ang Cebu Medical Society, Inc. na binubuo ng mahigit tatlong libong miyembro na nagsasabing ang mga ganitong uri ng mga mass gatherings ay may dalang panganib ng pagkakahawahan ng COVID-19.
Nag-aalala umano sila sa desisyon ng Cebu City government na ipagpatuloy ang ginagawang preparasyon sa mga aktibidad na may kinalaman sa Sinulog 2021.
“Sinulog is a convergence of both spectators and performers. These forms of mass gatherings pose a high risk of COVID-19 transmission,” ayon sa statement ng grupo na pirmado ng presidente nito na si Dr. Minnie H. Monteclaro.
Nasa mahirap na kalagayan daw sila na balansehin ang pisikal na ekspresyon ng pananampalataya’t pagpapanatili ng kultura at ang kaligtasan ng publiko. Subalit, matibay umano ang kanilang paniniwala na ang public health and safety ang dapat manguna.

Dahil dito ay masidhi ang kanilang pagtutol sa pagsasagawa ng Sinulog 2021 at mga katulad na okasyon.
“It is our firm belief that public health and safety should be of utmost priority. Therefore, we strongly oppose the holding of the Sinulog 2021 and other related activities,” sabi ng grupo.

Nanawagan din sila sa publiko na manatili na lang sa kanilang mga tahanan at gawin ang mga kinakailangang pag-iingat. Binigyang-diin ng grupo na ang novel coronavirus ay nananatiling mapanganib.
Facebook, Inquirer