Ilang co-passengers ng UK variant ‘patient zero’ nagpositibo rin sa COVID-19

Imahe mula sa WebMD
  • Nasa 8 pasahero na nakasabay ng ‘patient zero’ ang nagpositibo sa COVID-19
  • Subalit nagpositibo sila sa orihinal na virus at inaalam pa kung infected din sila ng bagong variant
  • Samantala, pitong pasahero pa ng kaparehong flight ang hindi matunton ng DOH hanggang sa ngayon

Nasa walong pasahero na nakasama sa eroplano ng ‘patient zero’ ng bagong COVID variant ang nagpositibo rin sa COVID-19 base sa testing na isinagawa ng Philippine Red Cross (PRC).

Subalit nilinaw ng PRC na nagpositibo ang mga ito sa orihinal na virus at inaalam pa kung positibo rin sila sa bagong variant ng COVID.

Base sa pahayag ni PRC chairperson at Senador Richard Gordon, nakasabay sa eroplano ng Pinoy na nangggaling sa United Arab Emirates (UAE) ang walong pasahero at dumating sa bansa noong Enero 7 sakay ng Emirates Flight No. EK 332.

Screenshot mula sa video ng PRC

Hindi naman nabanggit ng PRC kung mayroong staff ng airline na nakasama sa nagpositibo sa COVID.

Ipinadala na umano ang kanilang swab specimen sa Philippine Genome Center para malaman kung positibo rin sila sa bagong variant.

Magugunitang ang 29 anyos na Pinoy real estate agent ang siyang pinakaunang kaso ng UK COVID variant sa bansa matapos bumiyahe patungong Dubai noong Disyembre 27. Siya ay dinala sa isang isolation facility sa Quezon City kung saan na-detect ang UK variant ng COVID.

Imahe mula sa PNA

Ayon sa pinakahuling update ni QC Mayor Joy Belmonte, maaayos naman ang kalagayan ngayon ni ‘patient zero’ at inaasahang makalalabas na ito ng isolation kapag nabigyna ng medical clearance.

Samantala, kaagad namang nagsagawa ng contact tracing ang Department of Health (DOH) para matunton ang 159 na pasaherong nakasabay niya sa nabanggit na flight.

Hanggang sa ngayon, pito (7) pa sa 159 na pasahero ang hindi pa nako-contact ng DOH base sa ibinigay nilang contact number at address.

Nangako naman ang PRC na tutulungan nila ang DOH upang matunton kaagad ang pitong pasaherong nabanggit.

Loading…