Ilang DPWH personnel na isinangkot ni Duterte sa kurapsyon sibak na sa trabaho – Villar

Imahe mula sa PNA
  • Sibak na sa trabaho ang ilang DPWH engineers na isinangkot sa katiwalian ni Pang. Duterte
  • Sa kasalukuyan ay umabot na umano sa 14 ang personnel na natanggal
  • Patuloy pa rin daw ang imbestigasyon at magkakaroon din ng rigodon sa mga darating na araw

Kinumpirma ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar na sinibak na sa trabaho ang ilan sa mga empleyado ng ahensiya na isinangkot ni Pangulong Rdorigo Duterte sa diumano’y malawakang katiwalian.

Sa panayam kay Villar sa PTV 4 nitong Huwebes, sinabi ng kalihim na ang mga nabanggit ng Pangulo sa kaniyang public address noong Disyembre 28 ay na-relieve at tuloy-tuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon.

Imahe mula sa DPWH

“Malapit na po, magkakaroon din kami ng rigodon sa loob ng department and maraming magiging pagbabago dahil kami naman po ay tuloy-tuloy naman ang aming laban against corruption,” pagtitiyak ni Villar.

Sa kaniyang pre-recorded speech noon, pinangalanan ng Pangulo ang ilang DPWH engineers na diumano’y nakikipagsabwatan sa mga kongresista upang pagkakitaan ang mga proyekto ng pamahalaan.

Kabilang na rito ang district engineers sa Occidental Mindoro na mahigit 10 taon na sa kaniyang puwesto.

“You are relieved tomorrow…By noontime, you should be talking with your boss,” babala noon ni Duterte.

Ayon kay Villar, umabot na sa apat na empleyado ang natanggal sa trabaho simula nang ibulgar ni Duterte ang mga pangalang sangkot.

Imahe mula sa Facebook-DPWH

“May na-relieve na sa trabaho, mga 14 na ang na-relieve and mayroon kaming mga complaints sa aming task force against corruption at ‘yun iyong ginagawa namin ngayon,” anang kalihim.

Humingi rin ng tulong si Villar sa iba pang ahensiya ng gobyerno para sa kanilang patuloy na case build up laban sa mga nasasangkot sa kurapsyon.

Tiniyak din ng opisyal na hindi maaapektuhan ang mga proyekto ng DPWH kahit pa may mga matanggal sa mga empleyado ng departamento lalo pa’t malaki naman ang kanilang ahensiya at maaaring magpatupad ng re-shuffling kapag kinakailangan.

Loading…