Ilang pasaherong nakasabay ng UK COVID variant-positive na Pinoy ‘di tinatanggap ang tawag; 92% nakausap na ng DOH

Imahe mula sa PNA
  • Mahigit 90% ng pasaherong nakasabay ng Pinoy na nagpositibo sa bagong COVID variant ay nakausap na ng DOH
  • Subalit 13 umano sa kanila ay hindi tinatanggap ang tawag ng contact tracing team
  • Dahil dito, nakipag-ugnayan na ang DOH sa lokal na pamahalaan para mapuntahan ang kanilang address

Nakausap na ng Department of Health (DOH) ang karamihan sa mga pasaherong nakasabay sa eroplano ng Pinoy na nagpositibo sa bagong COVID variant subalit ilan sa kanila umano ay ‘di tinatanggap ang tawag ng ahensiya.

Sa pinakabagong update ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Huwebes, nasa 92% na ng pasahero ang kanilang nakausap at pinayuhan kung ano ang gagawin.

Imahe mula sa DOH

“Out of the 159, we were already able to coordinate with 146 of them. So 92 percent po ‘yan,” bahagi ni Vergeire. “Doon sa 146, meron na tayong 125 na may positive na na aksyon tayong ginawa because they were able to continuously coordinate with us.”

Subalit ang nalalabing 13 umano ay hindi tinatanggap ang tawag ng contact tracing team na naatasang makipag-ugnayan sa kanila.

“Some passengers are rejecting our call. Sana po ay kausapin nila kami para…mabigyan namin sila ng guidelines on what they should do,” pakiusap ng opisyal.

Dahil dito nakipag-ugnayan na raw sila sa mga lokal na pamahalaan upang puntahan ang address ang mga pasaherong ito at kausapin.

Samantala, ang ilan sa mga pasaherong nakausap nila ay pumayag na dalhin sa quarantine facilities ng kanilang bayan habang ang iba naman ay naka-home quarantine na at patuloy na sinusubaybayan ang kalagayan.

Lahat naman sila ay isinailalim na rin sa swab testing at genome sequencing upang malaman kung carrier na sila ng bagong COVID variant, ayon sa DOH.

Kaugnay nito, nananatili pa rin sa mahigpit na quarantine procedure ang 29 anyos na Pinoy na unang nagpositibo sa UK variant ng COVID.

Imahe mula sa Pixabay

Siya ay bumiyahe patungong Dubai kasama ang kaniyang girlfriend sa isang business trip noong Disyembre 27 at bumalik sa bansa nitong Enero 7 sakay ng Emirates Flight No. EK 332

Kaagad siyang idiniretso sa quarantine facility kung saan nadetect na positibo siya sa mas nakahahawang variant ng COVID.

Bagama’t nagnegatibo ang kaniyang kasintahan, muli itong isinailalim sa swab testing at kasalukuyan na ring nasa isolation facility.

Loading…