Ilang senador suportado ang bagong panukala ni Sotto para sa ABS-CBN franchise renewal

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Naghain ng bagong panukala si Senate President Tito Sotto para sa renewal ng ABS-CBN franchise
  • Suportado ito ng ilang mga mambabatas ng Mataas na Kapulungan
  • Bagama’t pabor din dito ang iba pa, may agam-agam naman sila kung lulusot ito sa Kamara

Suportado ng ilang senador ang panukalang batas ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III para sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN, halos anim na buwan matapos itong ibasura ng Kamara noong Hulyo 2020.

Sa inihaing Senate Bill No. 1967 ni Sotto, layon ng panukala na muling bigyan ng prangkisa ang Kapamilya network sa susunod na 25 taon.

“ABS-CBN’s wide reach to Filipinos, alongside with the undeniable advantages of broadcast media relative to mass communication, definitely call for the immediate renewal of the network’s franchise,” ayon sa explanatory note ng Senate bill.

Imahe mula sa Facebook|/ SP Sotto

Ilan sa mga senador naman ang nagpahayag ng kanilang suporta sa panukalang ito ng Senate President.

“Given the crippling effects of the ABS-CBN shutdown and the need for more news outlets with the widest reach during the raging pandemic, the issue will be given utmost priority as soon as it is referred to the Committee on Public Service,” ayon sa pahayag ni Senador Grace Poe.

Maliban kay Poe, anim na mambabatas ng Mataas na Kapulungan pa umano ang interesadong maging co-author ng bill. Ito ay kinabibilangan nina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senators Panfilo Lacson, Sonny Angara, Nancy Binay, Joel Villanueva, at Sherwin Gatchalian, ayon kay Sotto.

Samantala, bagama’t pabor din ang iba pang senador dito, may agam-agam rin sila lalo pa’t nakasalalay pa rin sa Kamara at Malakanyang ang kapalaran ng ABS-CBN franchise.

Para kay Senate President Pro Tempore Ralph  Recto, naniniwala ang mambabatas na lulusot lamang ang panukala ni Sotto kung may basbas ito ng Palasyo.

Imahe mula sa ABS-CBN

Ganito rin ang paniniwala nina Senador Sonny Angara, Senador Kiko Pangilinan at Minority Leader Franklin Drilon.

“Yes. But we cannot take it up in the Senate unless the House will pass it first,” sagot ni Drilon nang tanungin kung susuportahan niya ang pagbabalik ng prangkisa ng Kapamilya network.

Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Sotto na may mas magandang tsansa ngayon ang ABS-CBN dahil sa bagong liderato at mga opisyal sa Kamara.

Noong Disyembre, ibinahagi ni Deputy Speaker at Buhay Party-list representative Lito Atienza na malaki ang posibilidad na makabalik sa ere ang ABS-CBN ngayong taon sapagkat inaasahang muling matatalakay sa plenaryo ang tungkol sa prangkisa nito dahil sa bagong House Speaker na Rep. Lord Allan Velasco.

Loading…