Illegal Chinese dredger naispatan ng Coast Guard sa Bataan

Imahe mula sa Facebook-PCG
  • Naispatan ng mga operatiba ng PCG at BOC ang isang ilegal na Chinese dredger sa Bataan
  • Walang maipakitang dokumento ang dalawang crew at matagal na umano itong nabigyan ng departure clearance
  • Maglalabas naman ang BOC ng warrant of seizure and detention laban sa Chinese vessel

Isang ilegal at hindi awtorisadong Chinese dredger ang naispatan at nahuli ng mga operatiba ng Philippine Coast Guard sa may karagatan ng Bataan nitong Miyerkules.

Sakay ng BRP Panglao (FPB-2402), nagsasagawa ng maritime patrol ang pinagsamang elemento ng PCG Task Force Aduana at ng Bureau of Customs (BOC) nang mamataan ng mga ito ang nasabing Chinese vessel mga pitong nautical miles ang layo bandang Timog-Kanluran ng Orion Point.

Screenshot mula sa Facebook-PCG

Nang magsagawa ng inspection sa barko, nadiskubreng naka-off ang automatic identification system (AIS) transponder ng barko habang wala namang maipakitang dokumento ang dalawang Cambodian crew.

“Upon boarding, the joint operatives discovered the automatic identification system (AIS) transponder of said vessel was turned off and its two Cambodian crewmembers aboard failed to present proper documents,” ayon sa pahayag ng PCG.

Matapos magsagawa ng verification, napag-alaman na mahigit isang taon nang nabigyan ng departure clearance ng Custom sa Aparri, Cagayan ang Chinese vessel. Samakatuwid, ang pananatili nito sa karagatan ng Pilipinas ay itinuturing na ilegal at hindi awtorisado.

Imahe mula sa Facebook-PCG

“The BOC verified that said vessel was granted departure clearance by the Customs office in Aparri, Cagayan more than a year ago. Hence, its presence at said vicinity is illegal and unauthorized,” wika pa ng PCG.

Nakatakda namang maglabas ang BOC ng warrant of seizure and detention laban sa nabanggit na barko.

Kaugnay nito, nagkasundo na sina PCG Commandant Admiral George V Ursabia Jr., at BOC Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero na magtutulungan ang dalawang ahensiya para bantayan ang maritime border ng bansa upang mapanatili ang seguridad at kapayapaan sa mga teritoryong nasasakupan ng Pilipinas.

Loading…