Ina at GF ng lalaking may UK variant parehong nagpositibo sa COVID-19

Imahe mula sa Science News for Students
  • Parehong nagpositibo sa COVID-19 ang ina at girlfriend ng lalaking may UK COVID variant
  • Nagtataka naman ang QC government kung paanong nahawa ang nanay ni ‘patient zero’
  • Umabot na sa 13 katao na close contacts ng lalaki ang nagpositibo sa COVID

Kapwa nagpositibo sa COVID-19 ang nanay at kasintahan ng lalaking may bagong COVID variant na bumiyahe patungong United Arab Emirates (UAE) kamakailan.

Kinumpirma ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang online briefing nitong Miyerkules. Ayon sa opisyal, ipinadala na sa Philippine Genome Center ang test results ng dalawang babae upang malaman kung carrier na rin sila ng mas nakahahawang UK variant ng COVID.

Imahe mula sa PNA

“At the earliest, makakapagbigay tayo ng update ay Thursday night or Friday morning,” wika ni Vergeire.

Samantala, nagtataka naman ang Quezon City government kung paanong nagkaroon ng COVID ang ina ni ‘patient zero’ gayung hindi naman nito nakasalamuha  ang kaniyang anak simula nang bumalik ito sa bansa noong Enero 7.

“We are already investigating how the mother of our UK variant case got infected with COVID-19, since the index case never set foot at home or in the community and did not have any interaction with her after arriving in the Philippines from Dubai on January 7,” ani Dr. Rolly Cruz, hepe ng Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU).

Ang 29 anyos na lalaki ay lumipad patungong Dubai noong Disyembre 27 kasama ang kaniyang girlfriend para sa isang business trip. Ang kaniyang kasintahan ay kasalukuyan na ring nasa isolation facility at inoobserbahan na.

Imahe mula sa Facebook

Kaugnay nito, umabot na sa 13 katao ang na nakasalamuha ni ‘patient zero’ ang nagpositibo sa COVID-19; walo rito ay kapwa-pasahero habang lima naman ang close contacts.

Kabilang na rito ang isang healthcare worker ng Hope isolation facility kung saan nagpapagaling ang lalaki. Ang kanilang mga test result ay ipinadala na rin para sa genome sequencing upang matukoy kung infected rin sila ng UK variant.

Samantala, sa 213 na close contacts ng lalaki, kasama na ang 159 na co-passengers, nasa tatlo katao na lang ang hindi nila natutunton. Dalawa rito ay taga-National Capital Region o NCR habang ang isa naman ay taga-Region 7, ayon kay Vergeire.

Loading…