Inaasahang pagdagsa ng ‘black market vaccines’ sa bansa tututukan ng BOC

Imahe mula sa Facebook-BOC
  • Mas lalo pang paiigtingin ng BOC ang kanilang operasyon laban sa posibleng pagdagsa ng mga ‘black market vaccines’ sa bansa
  • Kamakailan lamang ay may nasabat ang ahensiya na mga puslit na gamot galing sa China
  • Hinihinalang gagamitin ito ng ilang clinic para sa mga pasyenteng may COVID-19

Papaigtingin ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang pagbabantay para maiwasan ang posibleng pagdagsa sa bansa ng mga hindi awtorisadong COVID-19 vaccines sa mga darating na linggo.

Ito ay matapos masabat noong isang araw ang ilang kargamento ng gamot mula sa China na naipuslit subalit natunton sa isang warehouse sa Pasay City.

Imahe mula sa Facebook-BOC

Sa pakikipagtulungan ng Manila International Container Port’s (MICP), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Service (ESS), Philippine Coast Guard (PCG) at National Bureau of Investigation (NBI), nadiskubre ang ilang shipment ng mga gamot tulad ng Ribavirin na  ginagamit sa mga pasyenteng may pneumonia at bronchitis.

Dahil dito, malakas ang hinala ng mga awtoridad na gagamitin ang mga naturang gamot sa mga clinic na mayroong  pasyenteng may COVID.

Ang ilegal na shipment ay tinatayang nagkakahalaga ng P1.5-M, ayon sa pahayag ng BOC. Ito ay kasalukuyang nasa pangangalaga na ng BOC para sa kaukulang inventory. Iniimbestigahan na rin kung saang clinic mapupunta sana ang mga gamot para masampahan ng paglabag sa Section 1113 ng  R.A. 10863 o “Customs Modernization and Tariff Act (CMTA)”.

Screenshot mula sa Facebook-BOC

“Amidst reports of black market vaccines being distributed and administered in the country, the Bureau remains committed in seizing such items and apprehending unscrupulous individuals,” pahayag ng ahensiya.

Nangako rin ang BOC na mas lalo pa nilang palalakasin ang kanilang mga hakbang upang masugpo ang mga ilegal na aktibidad tulad ng pag-smuggle ng mga bakuna na inaasahang dadagsa pa habang nalalapit na ang implementasyon ng vaccination program ng pamahalaan.

Loading…