Iniligtas na taong grasa sa San Jose Del Monte, Bulacan maayos na ang kalagayan

  • Nagbigay-lugod sa mga netizens ang isang update hinggil sa taong grasa sa isang lungsod sa Bulacan
  • Matapos magamot ang mga sugat, mapaliguan, at maalagaan, maayos na ang kalagayan nito
  • Ito raw ay naging biktima noon ng mga motoristang walang pakundangan sa pagpapatakbo nang mabilis sa kanilang mga sasakyan

Sabi nga, habambuhay, may-pag-asa. Maaaring mabago ang isang taong nasa lugmok na kalagayan kung may pagmamalasakit at pagtutulungan.

Kagaya na lamang ng isang lalaking taong grasa sa City of San Jose Del Monte sa lalawigan ng Bulacan, na ibinahagi sa Facebook page na “Balitang SJDM” mula naman sa netizen na si Dulce Amor Taruc, empleyado sa city hall ng naturang lungsod. Makikita sa mga larawang ibinahagi na ang laki ng improvement sa kaniyang hitsura simula nang matulungan at ma-rescue siya dahil sa kaniyang mga sugat sa katawan.

Imahe mula sa Facebook account ni Dulce Taruc / Balitang SJDM

“Natatandaan ninyo pa ba ang minsan naming nai-post noong Nobyembre na dating taong grasa na inaalagaan ng CSWD Kadiwa? Halos ‘di siya malapitan noon dahil talagang nakakatakot siya. Ito na siya ngayon,” saad sa update kung saan makikita ang malinis, maayos, at bagong gupit na lalaking sinasabing taong grasa o palaboy-laboy sa kalye.

Malaki na nga raw ang pinagbago ni John Reymart Lopez a.k.a. Balot dahil nanaba na ito at magaling na ang mga sugat na bunga umano ng hit and run. Pinagtiyagaan siyang painumin ng gamot at alagaan ng mga kawani ng CSWD Kadiwa.

“Masigla na rin siya kumpara dati na lagi lang nakatulala, tumutulong na siyang maghugas ng plato at maglinis. Madalas na rin siyang maligo at laging may ngiti sa kanyang mga labi. Sana ay kunin na siya ng kaniyang mga kamag-anak,” panawagan naman nila.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Mahusay! Bigyan natin sila ng pag-asa para magpatuloy at mapabuti pa ang pamumuhay nila. Kudos po!” saad ng isa.

Turan naman ng isa, “Hanapin n’yo rin yung isang palaboy na minsang nakita ko sa Citrus. Kinakawkaw yung kanal tapos tinikman niya yung lasa.”

Imahe mula sa Facebook account ni Dulce Taruc / Balitang SJDM

“God is good! Sana pati mga batang palaboy kunin na rin nila para walang nakakalat na batang nanghihingi sa mga kalye,” hiling naman ng isa.

Nawa ay magtuloy-tuloy na ang pagbabagong-buhay ni Balot

Loading…