Jose Manalo ibinahagi ang marriage advice sa anak na si Benj Manalo

Imahe mula sa Instagram | Jose Manalo at Benj Manalo
  • Pinaalalahanan ni Jose Manalo ang kaniyang anak na si Benj bago ito magpakasal kay Lovely Abella
  • Aniya, dapat ay ipaglaban ni Benj ang kaniyang pamilya sa abot ng kaniyang makakaya
  • Ikinasal sina Benj at Lovely nitong Enero 23

Ibinahagi ng komedyanteng si Jose Manalo ang payo na ipinabaon niya sa kaniyang anak na si Benj Manalo bago nito pinakasalan si Lovely Abella.

Kuwento ni Jose, noong pinaplano pa lamang ang kasal ay tinawagan siya ni Benj upang hingin ang kaniyang basbas.

Imahe mula sa Instagram | Lovely Abella

“Sabi ko sa kaniya, ‘Benj, at your age siguro alam mo na ‘yan. Sabi dami na rin ng pinalaman ko sa iyong pangaral.’ Ako kasi si pangaral. Mahilig akong magbigay ng pangaral kahit hindi ko mapangaralan ang sarili ko. Pero ‘pag sa anak, gagawin mo lahat,” sabi ni Jose sa press conference ng Catch Me Out Philippines ayon sa GMA News.

Paalala ni Jose sa kaniyang anak, ipaglaban niya ang kaniyang pamilya sa abot ng kaniyang makakaya.

“Kung maisasalba mo ang asawa mo at pamilya mo, kailangan ituloy-tuloy mo ‘yan. Sa tingin ko mas masarap ang magmahal kaysa mahalin. Mas masarap mag-serve kaysa pagsilbihan ka,” sabi pa ni Jose.

Dalangin niya rin daw na bigyan sila ng mahabang pasensiya sa kanilang pagsasama.

Imahe mula sa Instagram | Benj Manalo

“Good luck sa inyong dalawa at more blessings sa career nila at kung ano man ang tinatahak nila. Siyempre, love na love ko sila. Love na love sila ni Daddy,” dagdag pa ng komedyante.

Ikinasal sina Lovely at Benj noong Enero 23 matapos ang 10 araw na paghahanda.

Sa kani-kaniyang Instagram account ay nagbahagi sila ng mga larawan mula sa kanilang kasal. Ani Benj, napuno ng emosyon ang kanilang pag-iisang dibdib.

Nagkakilala raw kasi sila noong panahong pareho silang hindi pa maayos ang buhay.

“Lost. Broken. Hopeless. Ito ang mga bagay na dala ko sa buhay ko bago kita makilala. Dati akala ko sa pelikula ko lang makikita ‘yung pagbabago ng buhay ng bida ‘pag dumating ‘yong isang tao na para sa kaniya,” ani Benj.

Nitong Enero 1 lamang ay nag-propose si Benj kay Lovely sa pangalawang pagkakataon. Kasabay nito ay nag-propose din siya sa anak ni Lovely na si Crisha Kaye.

Anim na taon naging magkarelasyon sina Benj at Lovely bago sila nagpakasal.

Source :

GMA, Instagram

Loading…