Kabayang Noli De Castro nalulungkot kapag naglalakad sa ABS-CBN hallway

  • Nalulungkot si Kabayang Noli De Castro sa tuwing naglalakad sa ABS-CBN hallway
  • Wala na raw ang mga Kapamilya stars na madalas niyang nakakasalubong at nagsasabi sa kaniya ng “I love you Kabayan!”
  • Puro mga larawan na lamang nilang nakasabit sa dingding ang nakikita niya

Isa sa mga ipinagmamalaking broadcasters ng ABS-CBN ang dating Pangalawang Pangulo ng bansa na si Kabayang Noli De Castro. Matapos ngang mapasabak sa politika, mapalad na nakabalik siya sa propesyong unang minahal sa kaniya ng publiko—ang pagbabalita. Sa ngayon, patuloy pa ring umeere sa TeleRadyo ang “Kabayan” at isa siya sa mga news anchors ng longest-running newscast na “TV Patrol.”

Sa idinulot ng pandemya at pagbasura sa panibagong prangkisa ng Kapamilya Network noong 2020, marami sa mga nagtatrabaho sa naturang TV station ang napabilang sa retrenchment. Kaya naman, nalulungkot si Kabayan dahil ang dating abala at mataong pasilyo o corridor, ngayon ay halos maaari nang paglaruan ng patintero o piko dahil madalang na ang mga Kapamilya stars na nakakasalubong niya.

Public Domain Image

“Ang lungkot naman. Dati, ang kasabay ko na naglalakad ay mga artista. Ngayon, mga litrato na lang nila. Wala nang bumabati sa akin ng, I love you, Kabayan,” pahayag ni Kabayang Noli De Castro na ibinahagi sa Facebook page na “Kapamilya Kingdom.”

Sa ABS-CBN hallway, makikita sa mga dingding ang mga larawan ng pinakamalalaking artista ng network.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Don’t worry Kabayan at narito pa kaming mga Solid Kapamilya na hindi mang-iiwan. We love you and we strongly believe na muling magbabalik ang network,” saad ng isa.

Sabi naman ng isa, “I love you Kabayan! I salute you for your dedication of bringing relevant and up to date news; oyal to Filipino people thru ABS CBN.”

“Maraming mga senior citizens na hindi nakakalabas dahil sa pandemya na ito. Iyan din ang nangyari sa mama ko. Tulog na lang nang tulog, kasi nga laging pinagbabawalang lumabas. Kaya Kabayan, medyo masuwerte ka pa rin kasi nakakalabas ka,” pahayag naman ng isa.

Public Domain Image

Mapapanood pa rin si Kabayang Noli De Castro mula Lunes hanggang Biyernes ng gabi sa TV Patrol, sa mga Kapamilya Channel at online platforms ng ABS-CBN.

Source :

Facebook

Loading…