Kampo  ni VP Leni nag-react sa pasaring ni Mocha: “Huwag kaming idamay sa kalokohan niya”

Imahe mula sa Facebook
  • Nag-react ang kampo ni VP Leni Robredo sa pasaring ni Mocha Uson
  • Idinawit kasi ni Mocha ang pangalan ni Robredo sa kaniyang pahayag sa social media para pasinungalingan ang balitang buntis siya
  • Ayon sa kampo ni Robredo, huwag na silang idamay sa kontrobersiyang kinasasangkutan ni Mocha

Huwag nang mandamay; ito ang mensahe ng tanggapan ni Vice President Leni Robredo sa pasaring ni Mocha Uson tungkol sa isyu ng diumano’y pagdadalantao ng huli.

Kumalat kamakailan sa balita ang usap-usapan na buntis si Mocha at ang itinuturong ama ay ang aktor umano na si Robin Padilla.

Nitong Biyernes ay naglabas ng pahayag ang kontrobersiyal na blogger at OWWA deputy administrator para pasinungalingan ang tsismis.

Screenshot mula sa Facebook video ni Margaux “Mocha” Uson

“Buntis daw ako kay Robin? Wala pong katotohanan yang tsismis na yan. Napakabait po nung tao. Nakakahiya naman kay idol Robin at Mariel,” ani Mocha sa kaniyang Facebook post na may kasama pang workout video.

BASAHIN: Mocha Uson nagsalita na tungkol sa balitang buntis siya kay Robin Padilla

Subalit tila hindi natiis ni Mocha na isisi sa kaniyang mga kritiko ang kumalat na balita at pati si Robredo ay napasama pa sa kaniyang pasaring.

“Sigurado ako ang nagpapakalat niyan ay yung mga bitter sa ating gobyerno. Alam ng lahat na ako at si sir Robin ay masugid na supporter ni Pangulong Duterte kaya na lang sinisiraan kami. Kulelat kasi sa survey ang pambato nilang si Robredo kaya kung anu-ano paninira ang iniimbento nila,” wika pa nito.

OVP Spokesperson Atty. Barry Gutierrez

Bilang reaksiyon, hinimok ni Office of the Vice President (OVP) spokesperson Atty. Barry Gutierrez si Mocha na huwag nang idawit pa ang Pangalawang Pangulo sa kontrobersiya.

“Huwag nga niya kaming idamay sa kalokohan niya,” maikling pahayag ni Gutierrez.

Si Mocha ay kilalang taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte at matagal na ring kritiko ng oposisyon, partikular na ng Bise Presidente.

Ilang beses na ring binatikos ni Uson sa kaniyang social media page si Robredo na madalas niyang tawaging ‘fake VP’.

Loading…