Krudo bumubukal sa isang balon sa Iloilo City

Screenshot mula sa KMJS video
  • Nasurpresa ang mga residente sa isang barangay sa Molo, Iloilo City dahil may krudo umanong bumubukal mula sa isang balon doon
  • Ang likido mula sa balon ay napapakinabangan ng mga residenteng may mga sasakyang gumagamit ng diesel
  • Nangangamba naman ang marami na baka makaapekto ang amoy ng krudo sa kanilang kalusugan

Ipinagtataka ng mga residente sa isang bayan sa Iloilo City kung bakit may kahalong krudo ang tubig na bumubukal sa isang balon doon.

Screenshot mula sa KMJS video

Ang balon sa bayan ng Molo ay ginawa noon pang taong 1960 at sa loob ng dalawampung taon ay iyon ang pinagkukuhanan ng mga magkakapitbahay ng malinis na tubig, subalit kamakailan ay bigla na lang iyong naglabas ng krudo.

Ayon sa kapatid ng may-ari, bigla na lang nagkaroon ng kakaibang amoy ang tubig noong ika-6 ng Disyembre noong nakaraang taon.

Sumasalok ng tubig noon si Estong Cabalcar nang mapansin niya ang kakaibang kulay at amoy ng tubig mula sa balon. Bilang isang mekaniko, sigurado siya na krudo ang nakahalo sa tubig.

“Noong last na pag-igib ko, alam ko kasi mekaniko ang trabaho ko. Sabi ko ‘parang krudo’… kulay blue tapos may halong yellow na parang kumikinang,” kuwento ni Estong.

Lumiliyab umano kapag sinisindihan ang likido.

Screenshot mula sa KMJS video

Hati ang reaksyon ng mga magkakapitbahay sa krudo sa balon. Masaya ang mga may sasakyan dahil nakakatipid sila ng hanggang P200 kada araw sa pagpapakarga ng diesel. Subalit naging pabigat ito sa iba na kailangan pang dumayo sa ibang lugar upang makapag-igib ng tubig.

Nangangamba rin ang marami na baka makaapekto ang amoy ng krudo sa kanilang kalusugan.

Noong una, inakala ng mga residente na isang kapitbahay nila ang naglagay ng krudo sa balon. Pinagbintangan din nila ang isang panaderya na may imbak na isang tangke ng krudo, ngunit napatunayang mali ang kanilang mga hinuha.

Nang suriin ng Iloilo City Environment and Natural Resources Office ang likido ay nakumpirmang diesel ang nasa balon.

Screenshot mula sa KMJS video

Ayon sa Mines and Geosciences Bureau, base sa geological feature ng siyudad ay imposibleng crude oil ang bumubukal sa balon. Maitim din dapat ang kulay kung natural na crude oil iyon. Dumaan na umano ang likido sa refinery at naproseso kaya ang kulay ay manilaw-nilaw.

Posible umanong galing iyon sa mga nakaimbak na diesel sa mga tangke ng mga gasoline station na nagkaroon ng leak.

Kung mapatutunayang galing sa mga pribadong establisimyento ang tumatagas na krudo ay posibleng pananagutin ang mga iyon.

Source :

Facebook

Loading…