Labing-anim na kumpirmadong kaso ng UK COVID-19 variant nadiskubre; 12 cases nasa Mountain Province

Imahe mula sa Bontoc Municipality
  • Nadiskubre ng DOH ang karagdagang labing-anim na kaso ng UK variant ng COVID-19 sa bansa
  • Labing-dalawa sa mga ito ay mula sa Bontoc, Mountain Province
  • Imumungkahi ng DOH sa IATF na bawiin ng reoslusyon nito na pinapayagan nang lumabas ng bahay ang mga may edad 10 hanggang 14 simula February 1

Kasunod ng pinaigting na biosurveillance activities dahil sa unang kaso ng UK variant ng COVID-19 sa Pilipinas, kinumpirma ng Department of Health (DOH), Philippine Genome Center at University of the Philippines National Institute of Health ang pagkakadiskubre ng karagdagang labing-anim na kaso ng bagong variant ng COVID-19.

Imahe mula sa DOH

Sa kabuuan ay mayroon nang 17 cases nito sa Pilipinas. Pinaniniwalaang mas mabilis makahawa ang bagong variant na ito.

Batay sa press release mula sa DOH, ang 12 sa mga ito ay mula sa Bontoc, Mountain Province, dalawang overseas Filipino workers na galing sa Lebanon, isa sa La Trinidad, Benguet at isa sa Calamba, Laguna.

Kabilang sa mga kumpirmadong kaso nito sa Bontoc ay may edad 5 hanggang 10.

“We have cases as young as 5 and 10 years old,” pahayag ni Dr. Thea de Guzman mula sa Epidemiology Bureau ng DOH.

Ayon kay Health Undesecretary Ma. Rosario Vergeire tatlo sa labing-anim na kasong ito ay nakarekober na, samantalang ang 13 ay active cases – tatlo sa kanila ay asymptomatic at ang sampu ay may mild symptoms.

Screenshot mula sa DOH video

Dahil sa mga pagkakadiskubre sa mga ito, magpupulong ang Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases upang mapag-usapan kung babawiin ang resolusyon nito na simula sa February 1 ay papayagan nang lumabas ng bahay ang mga batang edad 10 hanggang 14.

Sinabi ni Usec. Vergeire na imumungkahi niya sa IATF na ipagpaliban ang pagpapalabas sa mga bata.

“Amin pong iniisip na baka maka-recommend tayo na ‘wag muna ipatupad ang paglabas sa mga bata so we could prevent more infections. But nevertheless, makikinig tayo sa IATF,” aniya.

Ang DOH ay nakapagtala na ng 511,679 kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa.

Imahe mula sa DOH
Source :

ABS-CBN

Loading…