Lalaking events host, 10 beses nagparetoke ng mukha para makakuha ng maraming hosting gigs

Screenshot mula sa KMJS video
  • Nagparetoke ng sampung beses ang lalaki upang makakuha ng mas maraming hosting gigs
  • Bata pa lang si Michael ay tampulan na siya ng tukso
  • Nang makapagtrabaho ay nag-ipon siya para baguhin ang kanyang itsura

Naniniwala si Michael na mahusay siyang events host dahil magaling siyang magsalita at may magandang boses, subalit kakaunti lang ang mga kumukuha sa kanya.  Napagtanto niya na iyon ay dahil sa kanyang itsura.

Screenshot mula sa KMJS video

Kuwento niya, bata pa lang siya ay tampulan na siya ng tukso ng mga kababata. Tinatawag umano siyang “ulikba,” ellang daga,” o kaya ay “Mickey mouse” dahil sa kanyang tenga. Nagsimula raw siyang ma-conscious sa itsura niya nang tawagin siyang “pangit” ng isang kaibigan.

“One time, nasa labas ako ng bahay. Nakaupo ako sa hagdan. Kasama ko iyong friend ko. Tapos she squeezed my face. Sabi niya, ‘Michael, ang pangit mo,’” kuwento ni Michael sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS).

Nang makatapos ng pag-aaral at nagsimulang magtrabaho ay unti-uti siyang nag-ipon para sa pagpaparetoke ng mukha.

Una niyang ipinagawa ang tenga at ilong. Akala pa nga raw ng parents niya ay napaaway siya nang umuwi siyang may benda ang ilong at tenga.

Screenshot mula sa KMJS video

Nasundan pa iyon at umabot sa sampung cosmetic surgeries ang dinaanan ni Michael. Nagpakabit siya ng veneer para sa mas magandang smile, pina-contour ang panga at nagpalagay ng filler sa mga lips.

Masaya siya sa resulta ng pagpaparetoke. Kaunti na lang daw ang nanunukso sa kanya, subalit mayroon pa rin. Naroong tawagin siyang “mukha nang robot,” at “presidente ng science club kasi gawa ng siyensya.” Pinalalampas na lang daw niya ang mga iyon.

Dahil sa pagpaparetoke ay naging mas confident si Michael. Mas naging buo ang kanyang pakiramdam sa kung sino siya, lalo na nang tanggapin siya nang walang pasubali ng partner niyang si Aandrei David.

Screenshot mula sa KMJS video

Ibinahagi niya sa TikTok ang transpormasyon niya dahil sa cosmetic surgeries, hindi dahil ine-encourage niya ang iba na gayahin ang ginawa niya, kung hindi nais niyang ma-realize ng mga tao kung bakit may mga katulad niyang nagpaparetoke.

Aniya, 2021 na, dapat maging normal na ang mga ganitong bagay.

Panoorin ang kuwento ni Michael sa video ng KMJS:

Loading…