
- Isang lalaki ang hinahanap ng mga UK authorities dahil sa pag-administer nito ng
pekeng COVID-19 vaccine sa isang lola - Nagpanggap ang sus
pek na empleyado ng NHS at siningil ang matanda ng £160 o katumbas ng mahigit sampung libong piso - Inaalam pa kung ano ang ginamit ng lalaki sa lola na nasuri na sa isang pa
gamutan at sa kabutihang-palad ay wala namang naging masamang epekto
Pinaghahanap ng mga awtoridad sa United Kingdom (UK) ang isang lalaki na diumano ay nag-administer ng pekeng COVID-19 vaccine sa isang lolang 92 anyos.

Sinabi ng mga awtoridad na hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng lalaki na siningil pa ang matanda ng halagang £160 o katumbas ng mahigit sampung libong piso.
Umapela sa publiko ang Intellectual Property Crime Unit ng City of London Police na tulungan sila na makilala at matunton ang suspek. Inilalagay umano nito sa panganib ang kalusugan ng mga mabibiktima niya sa ginagawang panggagantso.
Ayon sa mga imbestigador, kumatok umano ang suspek sa bahay ng lola sa Surbiton, southwest London noong ika-30 ng Disyembre ng nakaraang taon. Nagpakilala raw ito bilang isang empleyado ng National Health Service (NHS).
Nang papasukin ay binigyan nga ang lola ng pekeng COVID-19 vaccine bago naningil ng bayad. Sinabi pa umano ng lalaki na ire-refund naman daw ng NHS ang ibinayad.

“We appeal to anyone with information that can help us identify this man to contact him. It is crucial we catch him as soon as possible as not only is he defrauding individuals of money, he may endanger people’s lives,” sabi ni Detective Inspector Kevin Ives.
Ini-release ng mga awtoridad ang larawan ng lalaki. Tinatayang nasa early 30s ang edad nito, may taas na 5 feet 9 inches, medium build, light brown ang buhok at may London accent.

Ang larawan ay kuha raw sa ikalawang beses na pagpunta ng lalaki sa bahay ng elderly na babae.
Inaalam pa kung ano ang ginamit ng lalaki sa lola na nasuri na sa isang pagamutan at sa kabutihang-palad ay wala namang naging masamang epekto.