Lalaking nakamotor na may angkas na pink bike kinalugdan

  • Isang larawan ang naghatid ng pagkalugod sa mga netizens
  • Makikita rito ang isang lalaking nakamotor na may nakasabit na pink bicycle sa kaniyang likuran
  • Mababasa ang caption na “Isang bata na naman ang matutuwa pag-uwi ni Tatay”

Gagawin ng magulang ang lahat para sa kaniyang anak upang mapasaya lamang ito, sukdulang maging katawa-tawa man sa paningin ng iba. Ang mahalaha, masilayan ang ngiti sa mga labi, mayakap at mahagkan ang kanilang mga supling na maaaring makapagpatanggal sa pagod o pagal ng katawan dahil sa maghapong pagbabanat ng buto.

Bawat isa sa atin, tiyak na may maibabahaging kuwento sa mga naging sorpresa ng ating mga nanay at tatay noong mga bata pa tayo. Maliit man o malaking bagay, hindi iyon ang mahalaga kundi ang isiping pinaghirapan nila ito para lamang mapasaya tayo.

Public Domain Image

Kagaya na lamang sa naging caption ng isang larawan sa Facebook page na “BlueBanana” kung saan makikita ang isang lalaking nakamotor, na agaw-pansin dahil sa maliit na pink bicycle sa kaniyang likuran. Ayon sa caption, “Isang bata na naman ang matutuwa pag-uwi ni Tatay.”

Bagama’t hindi naman talaga kompirmado ang pagkakakilanlan ng lalaki at kung talagang tatay nga ba ito, marami sa mga netizens ang nalugod sa magandang mensaheng makikita mula rito. May ilang mga netizens pa ang nagbahagi ng kanilang mga kaugnay na karanasan noong sila ay bata pa.

“Kami namang magkakapatid, lagi naming inaabangan ang uwing pansit ni Tatay sa araw ng Sabado. Kapag may uwi siyang pansit, isa lang ang ibig sabihin niyon, sumweldo na siya at may pera na kami. Hindi na kami mahihiyang dumaan sa tapat ng tindahan dahil tiyak na pupunta na roon si Nanay upang magbayad. Para makautang ulit. Hahaha,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa,” Napaka-sweet talaga ng mga Tatay. Ganiyan din ang Tatay namin noon. Kung ano-anong binibili sa amin, para lang maging masaya kami. Sa ngayon wala na siya kaya nakaka-miss magkaroon ng mga pasalubong mula sa kaniya!”

Imahe mula sa Facebook page na BlueBanana / Public Domain Image

“Dahil wala naman akong Papa, si Mama namin ang madalas na nagbibigay ng pasalubong sa amin. Simpleng siopao lang, solve na solve na kaming magkakapatid. Hinahayaan niyang kami ang maghati-hati para malaman daw namin ang pagbibigayan,” kuwento naman ng isa.

Ikaw, anong alaala ang nanariwa sa iyo matapos masulyapan ang naturang larawan?

Loading…