Libo-libong Chinese POGO workers sa bansa nabakunahan na kontra COVID – Ang See

Imahe mula sa Business Mirror
  • Halos 100,000 Chinese nationals na umano ang nabakunahan kontra COVID sa bansa
  • Karamihan daw sa mga ito ay nagtatrabaho sa POGO outlets
  • Wala namang alam dito ang Palasyo at ang Philippine Ambassador sa China

Kinumpirma ng isang Chinese-Filipino civic leader na libo-libong Chinese nationals na ang nabakunahan kontra COVID-19 sa bansa simula pa noong Nobyembre 2020.

Sa ginanap na ‘Tapatan sa Aristocrat’, ibinahagi ng kilalang anti-crime advocate na si Teresita Ang-See na mayroon nang tinatayang 100,000 Chinese ang nakatanggap ng COVID-19 vaccine at karamihan sa kanila ay mga POGO workers.

Teresita Ang-See| Imahe mula sa ABS-CBN News

“Okay lang sa akin na mabakunahan sila because we don’t have much control [over] them. Wala tayong basis to touch base with them, especially the POGO workers,” ani Ang-See.

Inamin naman ni Ang-See na hindi niya alam kung paano nakapasok sa bansa ang bakuna na pinaniniwalaang galing din sa China. Ganunpaman, maganda na rin umanong nabakunahan na ang mga ito upang maprotektahan din sila.

Tiwala rin daw ang mga Chinese sa bakunang naiturok sa kanila kaya pumayag ang mga ito.

Kaugnay nito, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque wala siyang alam dito subalit mabuti na rin kung nagkataong totoo nga ang ibinulgar ni Ang-See. Nangangahulugan daw ito na mayroon nang 100,000 na mababawas sa posibleng carrier ng coronavirus.

“Pero kung totoo man, eh di mabuti—100,000 less possible carriers of the coronavirus,” wika ni Roque sa online press briefing nitong Lunes, Enero 4.

Imahe mula sa GMA News

Para naman kay Philippine Ambassador to China Jose “Chito” Sta. Romana, hindi niya makukumpirma sa ngayon kung may katotohanan ang balitang ito.

“Unless they came back to China and had the vaccination here in China, as to whether they were brought out of China, I cannot confirm or deny. I certainly don’t know,” paliwanag ni Sta. Romana.

Sa kasalukuyan, wala pang COVID-19 vaccine na naaaprubahan ang Food and Drugs Administration (FDA).

Nauna nang inamin ng Presidential Security Group (PSG) na nakatanggap na sila ng libreng COVID vaccine subalit tumanggi itong sabihin kung saan nanggaling at kung sinong donor ang nagbigay.

Loading…