Licensed financial advisor ibinahagi ang pagtatagumpay sa kabila ng mga naranasang “rejection”

  • Ibinahagi ng isang licensed financial advisor ang kaniyang mga pinagdaanan bago maabot ang tagumpay
  • Ginamit niya ang mga naranasang “rejection” at “no” ng mga nilapitan niyang kliyente upang mapaunlad pa ang kaniyang sarili sa pinili niyang trabaho
  • Tila nahanap na niya ang kaniyang “purpose” o layunin sa buhay — ang mahimok ang mga tao na matiyak nilang maganda at maayos ang kanilang hinaharap

Hindi madali ang maging isang licensed financial advisor lalo na sa panahong mahigpit sa pera ang mga posibleng kliyente dulot ng pandemya, at marami sa mga Pilipino ang hindi pa rin bukas ang isipan hinggil sa pagkakaroon ng insurance at investment. Mas marami pa rin ang naniniwalang nararapat na ilagak sa bangko, o itago na lamang ang perang pinagpagalan o pinaghirapan.

Kaya naman, ibinahagi ng isang licensed financial advisor na nagngangalang “John Wilfred Angeles” ang kaniyang mga pinagdaanan bago niya makamit ang kaniyang pagtatagumpay sa trabahong kaniyang pinili: ang tiyakin ang magandang bukas o hinaharap ng mga tao sa kanilang pagtanda o pagreretiro, sa pamamagitan ng insurance at investment.

Makikita ito sa kaniyang Instagram post na may pamagat na “My 5 Defining Moments In Life.”

Imahe mula sa Instagram account ni John Wilfred Angeles

Sinimulan niya ang kaniyang IG post sa masasakit na mga pahayag na binitiwan sa kaniya noon gaya ng “Walang ipon,” “Hindi mo nga maalagaan at tulungan ang sarili mo kami pa kaya,” “Photographer, videographer ka lang anong career ‘yan, hindi kami mapapakain ng mga passion na yan,” at marami pang iba. Pabago-bago raw kasi siya ng gustong maging career sa buhay. Minsan na siyang naging call center agent, guro, at marami pang iba.

Hanggang sa pinili niyang maging isang licensed financial advisor. Sa kabila nito, marami pa rin ang pumula sa kaniya, at nagbigay ng di-magagandang komento. Dapat daw part-time lamang ito dahil mauubusan ng mga posibleng kliyente.

Ang mga salita at pahayag na iyon ang gusto niyang binabalik-balikan, mga salitang naghubog sa kung ano siya ngayon at noon, at napatunayan niyang kakayanin niya pala. Mga pangarap na isinulat at inukit niya sa vision board na ginawa niya noon na unti-unting natutupad.

“Mga panahong naulanan at pagka-resulta ng putikang sapatos, paulit-ulit na polo, Amerikana, at pantalon dahil walang pambili ng bago, walang pamasahe papunta ng meeting sa Makati Office at BGC, dahilan upang  ipangutang ang mga ito,” aniya.

Public Domain Image

“Nagutuman kasi sapat lang ang pamasahe sa isang araw, mahabang pila sa UV express at naipit sa mga basang kilikili sa siksikang sinasakyang MRT araw-araw. Mga panahong iyon ay lubos kong inaalala para mas pag-igihan ko pa kada araw, na mas dapat galingan ko pa araw-araw.”

Nagpasalamat si John Wilfred o mas kilala bilang “Red” sa mga taong nagtiwala at sumuporta sa kaniya: magmula sa mga kliyente, kaibigan, kasamahan sa simbahan, kaklase, at mga lider na gumagabay sa kaniya upang makamit ang lahat ng mga parangal na kaniyang natatamo dahil sa kaniyang kasipagan at katiyagaan. Sila umano ang mga taong ginamit ng Diyos upang makamit ang kaniyang pagtatagumpay.

At s’yempre, kasama sa mga pinasalamatan niya ang mga taong “nag-reject” sa kaniya.

“Sa mga taong nag-reject sa akin at nag-“No for now,” maraming salamat din po sa inyo, dahil sa inyo mas ginalingan ko pa, mas inaral ko pa, mas tinutukan ko pa kung saan dapat na aspeto ko i-improve ang sarili ko, maraming maraming salamat po sa inyo,” pasasalamat niya.

Imahe mula sa Instagram account ni John Wilfred Angeles

Kaya naman, may “ganti” siya sa lahat ng mga taong nakaranas din ng rejection, bilang isang licensed financial advisor.

“Ngayon, ako naman, ako naman ‘yung tutulong sa mga taong tinapakan, nahihirapan sa pag-abot ng mga pangarap, magkaroon ng magandang kinabukasan para sa kanilang mahal na pamilya. Ako naman.”

“Hindi ko pinagyayabang kung anong meron ako, pero ang pinagyayabang ko ay ang Diyos na tumulong, sumama at laging nariyan para sa akin na maabot ang lahat ng ito.”

“Marami akong pagkukulang, kahinaan at hindi ako perpektong tao ngunit may perpektong Diyos na sobrang mahal na mahal ako sa kabila ng kamalian ko,” pangwakas na talata niya.

Sa ngayon, kandidato si John Wilfred sa pagiging manager sa kompanyang kaniyang pinaglilingkuran; nakapagpundar na rin siya ng sariling bahay at kotse upang mas maging mabilis ang pakikipagkita sa kaniyang mga kliyenteng nakahanda niyang tulungan upang matiyak ang magandang kinabukasan.

Pagbati sa iyo, John Wilfred! Nawa ay maging inspirasyon ka sa lahat!

Source :

Instagram

Loading…