Lola na iniwan sa loob ng nakasaradong SUV sa parking lot ng supermarket, sinaklolohan

Imahe mula sa Facebook account ni Grace Samillano-Lacusong
  • Sinaklolohan ng isang netizen ang pawis na pawis na lola na nakita niyang pilit na lumalabas ng SUV
  • Napag-alaman na iniwang mag-isa sa loob ng naka-lock na sasakyan ang matanda habang nasa loob ng shopping club ang mga kasama nito
  • Sinabi ng may-ari ng SUV na mayroong alzheimer’s ang matanda

Viral ngayon ang video ng isang lola na iniwang mag-isa sa loob ng isang sports utility vehicle (SUV) na nakaparada sa parking lot ng isang membership shopping club sa Alabang, Muntinlupa City.

Screenshot mula sa video ni Grace Samillano-Lacusong via Facebook

Ang video ay ibinahagi sa social media ng netizen na si Grace Samillano-Lacusong na siyang nagmagandang-loob na tulungan ang matandang babae na nakita niyang pilit binubuksan ang naka-lock na pintuan ng SUV mula sa bintana ng sasakyan na bahagyang nakabukas.

Sabi ni Lacusong, naka-park ang sasakyan niya sa tabi ng SUV kaya malayo pa lang ay natanaw na niya ang matandang gustong makalabas ng sasakyan.

“’Di na makahinga nabg maayos si Nanay sa sasakyan, pawis na pawis na rin s’ya. Nakita ko na agad s’ya from afar,” post niya sa Facebook noong December 11 ng nakaraang taon.

Nagmakaawa raw sa kanya si lola na palabasin. Agad raw niyang sinabihan ang guard at staff ng shopping club para i-page ang may-ari ng SUV, pero walang paging system ang establisimyento.

Sa tulong ng isang staff at guard ay nabuksan naman nila ang pinto ng sasakyan at tumambad ang pawis na pawis at uhaw na uhaw na matanda.

Screenshot mula sa video ni Grace Samillano-Lacusong via Facebook

Ibinili raw niya ng tubig at pagkain ang lola habang hinihintay nilang lumabas ang kasama nito na nasa loob ng pamilihan. Halos isang oras umano ang pinaghintay ni Lacusong bago dumating ang dalawang babae na kasama ng matanda.

Tila nagalit pa raw sa kanya ang kasama ni lola. Wala raw siyang alam. May alzheimer’s daw ang matanda.

“Masakit sa ‘kin ‘yung nangyari na parang nagagalit pa s’ya na pinalabas ko nang sasakyan. Oo pinalabas ko, but I asked the guards and staff to assist me, bantayan si lola habang nabili ako food for her. Oo, ako nagbukas ng door n’ya. Kasi ‘di s’ya marunong. Nag-alarm pa nga nang bongga sasakyan n’ya eh,” sabi ni Lacusong.

Screenshot mula sa video ni Grace Samillano-Lacusong via Facebook

Nagpasalamat naman daw ang babae sa concern niya sa matanda pero hindi niya ramdam ang sinseridad niyon.

Aniya, “I didnt felt her sincerity about sa concern namen sa Lola na iniwan nya.”

Panoorin ang ibinahaging video ng GMA NewsL

Loading…