Love story ng isang engineer at tricycle driver kinakiligan

  • Kinakiligan ang kuwento ng pag-iibigan ng isang babaeng engineer at lalaking tricycle driver
  • “You and me against the world” man kung titingnan dahil malayo ang agwat ng kanilang propesyon, hindi naman ito hadlang upang dalhin sa susunod na antas ang kanilang pagsasama at pag-iibigan
  • Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens

Sabi nga, “Love is not blind; it sees but it doesn’t mind.” Anoman ang kalagayan ng pamumuhay, kasarian, edad, o maging trabago, kapag tinamaan ng pana ni Kupido, hahamakin ang lahat upang masunod lamang!

Kagaya na lamang ng love story ng isang engineer at tricycle driver na unang ibinahagi sa Facebook page na “Mr. CO Photography kung saan makikita ang mga larawan ng engaged couple na hindi naman tinukoy ang mga pangalan. Ang engineer ay ang soon-to-be bride at ang tricycle driver naman ay ang soon-to-be groom.

Imahe mula sa Facebook page na Mr. CO Photography

“One is an engineer and the other is a tricycle driver. The cutest couple we have ever seen! Capturing moments from today while creating memories for a lifetime!” saad sa caption ng Facebook page.

Sa pinansiyal na aspeto, mas malaki nga naman ang suweldo ng isang engineer kung ihahambing sa kitang nakukuha ng isang tricycle driver. Subalit kahit na magkaiba ng trabaho ang magkasintahan, hindi ito naging hadlang sa kanila upang magmahalan.

Samantala, makikita naman sa Facebook page na “The Budgetarian Bride” ang testimonya ng soon-to-be bride.

“Maaaring hindi ideal ang aming love story. Engineer ako, tricycle driver siya. Pero never naming pinag-awayan ‘yung mga propesyon namin,” paliwanag ng soon-to-be bride.

“Puwedeng tumaas ang kilay ng iba kapag nalaman nila kung ano trabaho niya, pero who cares mamsh? Hahaha Hindi lahat ng kailangan mo, iaasa mo sa magiging asawa mo. Puwede ninyo pagtulungan kung anoman ang pangarap ng bawat isa sa inyo. Pagkalipas ng labing-apat na taon, ito na. Malapit na. Lam, mahal kita.”

Imahe mula sa Facebook page na Mr. CO Photography

Narito naman ang ilan sa mga reaksyon at komento ng mga netizens.

“Wala sa propesyon ang pagsasama. College graduate din ako, tricycle driver asawa ko, and we’ve been together for 20 years, and blessed by 3 kids. Marami rin namang pinagdaraanan, nakaka-survive naman, wala kaming mamahaling bahay pero may matibay kaming pananampalataya sa Panginoon at sa pagmamahalan namin,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “I agree with this. Wala sa estado/propesyon sa buhay ang tunay na pagmamahal, as long as magtutulungan kayo.”

“Tingnan natin kapag nagsama na kayo nang matagal. Sana lang matibay ang tiwala sa sarili ng lalaki, kasi iba pa rin ang ego ng lalaki lalo na kapag ramdam mong mas nakaaangat ang wife mo. Patriyarkal pa naman tayong mga Pinoy. Anyways, congrats pa rin!” saad naman ng isa.

Salaysay naman ng isa, “That’s pure love. Nanay ko college graduate at Tatay ko naman, graduate ng elementary pero kahit gano’n ni minsan ‘di ko nakita at narinig na nagtalo sila about their attainments in life. At mas laging pinakikinggan ng Nanay ko ang Tatay ko.”

Imahe mula sa Facebook page na Mr. CO Photography

“Aanhin mo ang lalaking well-educated and professional if lolokohin ka rin lang? Importante masipag, may takot sa Diyos at marunong makontento sa ‘yo. Modern world na tayo, paubos na ‘yung mga toxic mag-isip ngayon. There will come a time na wala nang tataas ang kilay sa mga ganitong arrangement,” pahayag naman ng isa.

Nakakakilig, hindi ba? Congratulations at best wishes!

Loading…