Mag-aaral na naispatang mahimbing na natutulog sa online meeting kinaaliwan

  • Kinaaliwan ang isang working student na naispatang natutulog habang nag-oonline class
  • Paliwanag niya, kagagaling lang kasi niya sa trabaho nang mga sandaling iyon; ginigising naman siya ng mga kaklase niya
  • Sa kabila ng good vibes na hatid nito, marami sa mga netizens ang nagpaabot ng pagsaludo at paghanga sa kaniyang kasipagan

Marami sa mga mag-aaral ang nagsasabing mas nakapapagod ang online classes ngayon dahil kahit nakaupo lamang at nakatutok sa gadgets, ang mga mata naman ay nakatuon sa monitor na maaaring makapanlabo ng mga paningin, o kaya naman ay makapagpaantok. Hindi kasi maiiwasan ang matagal na pagtingin sa screen o monitor na may nakasisilaw na ilaw. Lalo na siguro sa mga working student na doble ang pagod subalit patuloy na nagsisikap.

Kaya naman, kinaaliwan ng mga netizens ang isang mag-aaral na nagngangalang “Renz Jay Tanginan” matapos niyang ibahagi sa kaniyang Facebook post ang mga image capture sa kaniya na mahimbing na natutulog habang nakabukas ang video conferencing na ginagamit nila sa online class.

Imahe mula sa Facebook account ni Renz Jay Tanginan

Kagagaling lamang daw niya sa trabaho nang mga sandaling iyon, kaya hindi niya namamalayang nakatulog na siya. Makikitang ginigising siya ng kaniyang mga kaklase dahil kitang-kita pa ang kaniyang pagkakahiga.

“Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ko, noong una po kasi, kaming mga magkakaklase nag-usap-usap na mag on-cam sabay inabot na po ‘ko ng antok,” saad ni Tanginan.

Matagal nang pinagsasabay ni Tanginan ang kaniyang pag-aaral at pagtatrabaho. Nasa ikatlong taon na siya sa kursong Bachelor of Science in Business Administration major in Management. Nagtatrabaho naman siya sa Veterans Golf Course na malapit sa isang sikat na mall along Mindanao Avenue sa Quezon City.

Minsan na raw niyang pinangarap na maging sikat, subalit dahil pinag-usapan sa social media ang kaniyang mga larawan,  magkakahalong tuwa, saya, at kaba raw ang kaniyang nararamdaman. Hindi raw siya makapaniwalang sa ganitong paraan siya makikilala at pag-uusapan.

Narito naman ang ilan sa mga reaksyon ng netizens sa kaniyang larawan:

“May mga tao talaga na kahit gaano kahirap ay nagsusumikap makatapos ng pag-aaral, saludo ako sa ‘yo kuya. Yung iba kasi meron na nang lahat, tamad pa rin mag-aral at panay reklamo pa,” sabi ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Renz Jay Tanginan

Turan naman ng isa, “Working student din ako before and I feel you kuya.”

“Salute! Nagtatrabaho para maipagpatuloy ang pangarap. Kaya mo ‘yan! Makukuha mo rin ang tagumpay na iyong inaasam,” wika naman ng isa.

Saludo kami sa iyo, Renz! Pahinga-pahinga ka rin kapag may oras ka!

Source :

Facebook, News 5

Loading…