Mahigit apat na milyon ang nakalos sa populasyon ng mga baboy sa bansa dahil sa ASF

Imahe mula sa Philippine Information Agency
  • Sinabi ng DA na mahigit apat na milyong baboy na ang nabawas sa populasyon ng mga ito sa bansa
  • Bukod sa culling ng ASF-infected na baboy, ang pagbaba ng hog population ay dahil sa pagtigil ng maraming hog raisers na ipagpatuloy ang kanilang negosyo
  • Upang matugunan ang kakulangan sa supply ng karneng baboy ay mamimigay ang DA ng mga baboy na palalakihin at pararamihin sa mga lugar na ASF-free

Umabot na sa mahigit apat na milyong baboy ang nawala sa populasyon ng mga ito sa buong bansa dahil sa epekto ng African swine fever o ASF.

Imahe mula sa Bombo Radyo

Ibinunyag ng isang opisyal ng Department of Agriculture (DA) na noong nakaraang taon ay nasa 12.7 million ang hog population, pero bumaba na ito ngayon sa walong milyon na lang.

“Mahigit four million hogs ang nawala sa system. Nagsimula ang 2020, 12.7 million hogs, ngayon nasa eight million,” pahayag ni Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes sa isang televised interview.

Ang malaking bilang na nabawas sa populasyon ng mga baboy ay hindi lang dahil sa culling ng mga ASF-infected hogs. Kasama na rin dito ang naging pasya ng mga hog raisers na tumigil sa negosyong pagbababuyan dahil sa pangambang malugi bunsod ng ASF.

“‘Yung iba hindi na nag-alaga ng baboy,” sabi ni Usec. Reyes.

Dahil sa kakulangan ng supply ay sumirit ang presyo ng karneng baboy sa mga pamilihan. Umabot na sa P450 per kilo ang liempo sa ilang palengke sa Metro Manila.

Imahe mula sa UNTV

“’Yung pagtaas ng presyo ng baboy ay bunsod ng epekto ng ASF mula pa nong nakaraang taon. Noong 2019 pa ‘yan eh kaya bumaba talaga ang populasyon. ‘Yung kakulangan na ‘yan nag-manifest na… last year maganda pa ang presyo natin P270 to P300, sumipa ang presyo ng holiday season.. P400 noong Christmas, ngayon hindi bumababa,” aniya.

At upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ay iminungkahi ng DA na magpatupad si Pangulong Rodrigo Duterte ng price freeze na P270 sa kasim at pigue at P300 sa liempo per kilo.

Sabi ni Usec. Reyes, hindi epektibo ang suggested retail price (SRP).

“Kulang sa ngipin kasi ang SRP, hanggang doon lang suggested so, pakiusap. Sa price freeze, puwedeng kasuhan agad ang hindi sumusunod sa price level,” paliwanag niya.

Screenshot mula sa GMA video

Ayon sa National Meat Inspection Service (NMIS), upang matugunan ang kakulangan sa supply ay mamimigay ang DA ng mga baboy na palalakihin at pararamihin sa mga lugar na ASF-free.

“Ang objective po ng programang ito ay magbigay ng mga alagang baboy, inahin at palakihin doon sa mga area na free from ASF. At kasama na doon ang pakain,” sabi ni NMIS Executive Director Reildrin Morales.

Imahe mula sa Business Mirror

Aniya, paiigtingin din ng DA ang pagbabawal sa pagpapakain ng kaning baboy dahil ito ang nakikitang dahilan ng pagkalat ng ASF sa bansa.

Loading…