“Match stick man”: Young artist gumagawa ng painting gamit ang mga palito ng posporo

  • Humanga ang mga netizens sa mga obra maestra ng isang young artist sa Samar
  • Gumagamit siya ng mga match sticks o palito ng posporo sa pagbuo ng mga painting
  • Isa sa mga ginawan niya ng portrait painting ay ang respetado at premyadong broadcaster na si Jessica Soho

Ang palito ng posporo ay ginagamit upang makagawa o makapagparikit ng apoy, na kinakailangan sa pagluluto ng pagkain, o pagsisindi ng isang kandila, kalan, at iba pa. Subalit sino nga ba ang mag-aakalang maaari pala itong gawing kagamitan upang makabuo ng isang obra maestra sa pagpipinta?

Iyan ang pinatunayan ng young artist mula sa lalawigan ng Samar na si “Joneil Calagos Severino”, 21 taong gulang, na gumagawa ng mga painting gamit lamang ang pinagdikit-dikit na mga palito ng posporo o matchsticks. Siya ay kasalukuyang nasa Ikalawang Taon sa kursong Bachelor of Elementary Education sa Northwest Samar State University-San Jorge Campus at nagsimula siyang lumikha ng mga art para sa kaarawan ng kaibigan noong 2016.

Imahe mula sa Facebook account ni Joneil Calagos Severino

Siya raw ay isang charcoal-painting artist o gumagamit ng uling sa pagpipinta subalit dumating ang panahong naubusan siya ng pambili ng kagamitan para dito.

“Since gumagawa po ako ng charcoal portrait at nakahiligan ko nang gumawa ng mga obra, dumating po sa point na naubusan po ako ng materials for charcoal at doon po pumasok sa isip ko na what if gumawa ako ng kakaibang obra na hindi masyadong mahal, kaya doon ko po nahanap at nakita na puwede palang gamitin ang posporo para makagawa ng obra,” paliwanag niya.

Dagdag pa, “Last year g December (2020) po ako nagsimula gumawa ng posporo art at nasundan po para kay Ma’am Jessica Soho, at hanggang ngayon mas niyakap ko pa po siya para mag-improve sa sarili.”

Kaya naman, isa sa mga pinakabagong obra maestra niya ang posporo art portrait ng batikang broadcaster at journalist na si Jessica Soho ng GMA Network. Kahanga-hanga dahil ang kopyahan lamang niya ay ang larawan ng premyadong broadcaster sa social media, na tinitingnan lamang niya mula sa kaniyang smartphone.

Imahe mula sa Facebook account ni Joneil Calagos Severino

Kung tutuusin, walang sayang o tapon sa mga kagamitang ginagamit niya. Ultimo pabalat at kahon ng posporo ay ginagamit niya bilang background. Upang maihulma ang mga posporo, gumagamit lamang siya ng illustration board, double sided tape, at gunting. Gumugugol siya ng 5 hanggang 10 oras sa pagbuo nito, depende sa laki.

May mensahe naman siya sa mga kapwa artist ngayong pandemya.

“In amidst of pandemic gamitin natin ang oras o panahon para mag-improve sa sarili at mahanap yung talento na mayroon tayo. Gumawa nang kakaiba kahit sa simpleng bagay lang. Hindi natin kailangan ng mamahaling materyales para makagawa ng mga kakaibang obra. We need to be creative yet productive at the same time to inspire others through this simple art that we can do,” aniya.

Imahe mula sa Facebook account ni Joneil Calagos Severino / Public Domain Image

Congratulations, Joneil! Ipagpatuloy mo lamang ang iyong naiibang talento upang maging inspirasyon sa mga kagaya mong artists!

Loading…