May forever: Babae napangasawa ang suking delivery rider

Imahe mula sa Asingan PIO
  • Dahil sa madalas na pagpapa-deliver ng kaniyang ina ay nakilala ni Jhasin May Benito ang rider na si Marlon
  • Nagkapalagayang-loob ang dalawa at kalaunan ay naging magkarelasyon
  • Kamakailan lamang ay ikinasal na rin sila

Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga delivery rider lalo na ngayong panahon ng pandemya. Sa halip kasi na lumabas pa upang bumili ng mga pagkain o iba pang pangangailangan ay ang mga rider na ang gumagawa nito.

Dahil madalas na kinakailangan ng pamilya ni Jhasin May Benito ang tulong ng mga rider ay natagpuan niya rito ang kaniyang “forever.”

Imahe mula sa Asingan PIO

Kuwento ng Asingan Public Information Office sa Pangasinan, ang ina ni Jhasin na si Grace ang madalas na may order online. Sa katunayan ay naging suki na rin nila ang Lazada rider na si Marlon.

Isang beses daw ay ginabi na sa paghahatid ng parcel si Marlon.

“Nagulat sila, nagtataka sila na late na nagde-deliver pa ako noong time na yun. Natanong ako ni Mama Grace kung may asawa na ako. Sabi ko wala pa po. Bakit daw ang sipag sipag ko, eh wala pa naman daw ako binubuhay,” kuwento ni Marlon.

“Ang sagot ko po, kasama ko po sa pangarap ‘yong magpursige sa buhay”  dagdag niya.

Imahe mula sa Asingan PIO

Doon na raw inireto ni Grace ang kaniyang anak na si Jhasin. Noong una ay hindi raw inasahan ni Marlon na papansinin siya ng dalaga.

“Kahit sa panaginip kako, sabi ko hindi ko naman inexpect na papansinin ako… kasi maganda, mukhang hindi sanay magtrabaho. Nagulat din ako na napakabait din niya at napaka-approachable naman po madaling lapitan madaling kausapin,” kuwento ni Marlon.

Ayon naman kay Jhasin, nakita niya ang effort ni Marlon kaya naman nahulog na rin siya dito.

“Siya talaga ‘yong mararamdaman mo ‘yong care. Tapos talagang pursigido po siya. Sobrang effort po siya noong nanliligaw siya sa akin. Kahit sobrang busy siya, nagde-deliver pa rin siya ng flowers sa bahay. At saka ramdam mo naman talaga ‘yong love,” sabi ni Jhasin.

Kamakailan lamang ay ikinasal na ang dalawa.

Congratulations, Marlon at Jhasin!

Source :

Facebook

Loading…