Mayor Magalong posibleng maparusahan dahil sa pagdalo sa ‘party’ ni Tim Yap

Screenshot mula sa Teleradyo video
  • Posibleng maharap sa sanction si Mayor Magalong dahil sa pagdalo nito sa ‘party’ ni Tim Yap
  • Handa naman ang alkalde na harapin ang imbestigasyon kung mayroon man
  • Pinagpaliwanag na rin ang hotel kung saan ginanap ang naturang pagtitipon

Posibleng maparusahan si contact tracing czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong dahil sa pagdalo nito sa kontrobersiyal na party ni media personality Tim Yap na ginanap sa lungsod.

Umani ng batikos sa mga netizens ang nabanggit na party matapos kumalat ang mga larawan nito sa social media kung saan makikitang nilabag ng ilang dumalo ang ipinatutupad na health protocol.

Screenshot mula sa Teleradyo video

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 spokesperson Restituto Padilla, may pananagutan ang mga dumalo sa party, kabilang na sina Magalong at Yap, kapag napatunayang nilabag ng mga ito ang ordinansa ng lungsod.

Dumalo sa nasabing pagtitipon si Magalong at ang kaniyang misis pati na ang ilang sikat na personalidad. Makikita sa mga larawan na nagtanggal ng face mask ang ilan sa kanila habang nagpapa-picture.

Inamin naman ng alkalde na may pagkukulang sa pagpapatupad ng health and safety protocols sa party na ginanap sa The Manor noong Enero 17.

Handa naman umano siyang harapin kung may isasagawang pag-iimbestiga laban sa nasabing pagtitipon.

“Hindi naman. Bakit naman ako magi-inhibit eh nandoon naman ako, nakita ko naman sino ‘yung mga nag-violate?” ani Magalong nang tanungin sa Unang Hirit kung mag-i-inhibit siya.

Screenshot mula sa GMA News video

“Alam mo kasi, kung titingnan mo ‘yung picture, talagang makikita mo may violation pero you have to know what really happened behind it also,” paliwanag pa ng alkalde.

Nagpadala na rin umano ang lungsod ng notice of violation sa The Manor para pagpaliwanagin ang hotel tungkol sa kanilang paglabag sa ordinansa.

Giit naman ni Tim Yap, hindi naman dapat tinawag na party ang naganap na pagtitipon dahil ginawa daw ito upang i-promote ang turismo ng lungsod. Hindi rin daw nagsasalarawan ng buong pangyayari ang mga kumalat na pictures.

Loading…