
- Mga may edad 10 hanggang 14 papayagang lumabas ng bahay kapag may kasamang magulang
- Sinabi ni Cabinet Sec. Karlo Nograles na tila ang Pilipinas lang ang bansang masyadong mahigpit sa pagpapalabas sa mga bata
- Tutol naman ang mga Metro Manila mayors sa pagluluwag sa quarantine age restrictions
Nagbigay ng paglilinaw ang palasyo hinggil sa pahayag ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na papayagan nang makalabas ng bahay ang mga may edad 10 hanggang 65 simula sa ika-1 ng Pebrero. Sa kasalukuyan, ang mga pinapayagan lang lumabas ay ang may edad 15 hanggang 65.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang mga batang may edad 10 hanggang 14 ay papayagan lang makalabas ng bahay para sa mga non-essential activities tulad ng pagtungo sa shopping mall sa mga lugar sa ilalim ng modified general community quarantine kapag may kasama silang magulang o guardian.
“Hindi naman basta-basta lalabas ‘yan kung hindi kasama ang magulang. Meron po tayong panibagong clarificatory resolution na ilalabas na ‘yung paglabas ng bata is dapat kasama ang magulang para ma-supervise,” sabi ni Secretary Nograles.
Paliwanag ni Sec. Nograles, naiintindihan na ng mga batang 10 years old ang kahalagahan ng pagsunod sa mga health protocols katulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, madalas na paghuhugas ng mga kamay at physical distancing.

Sabi pa ni Nograles, ang Pilipinas lang yata ang bansang masyadong mahigpit sa pagpapalabas sa mga bata.
“Sa ibang bansa po, hindi sila kasing restrictive po natin sa galawan ng mga kabataan. Sa ibang bansa po, hindi nila kinukulong ang mga bata sa loob ng tahanan. As far as pag-survey naman sa iba’t-ibang ginagawa ng bansa, tayo po ‘yung pinaka-restrictive,” aniya.
Ayon pa kay Nograles, nagdesisyon ang gobyerno na babaaan ang age restriction sa 10 dahil naobserbahan na matapos ang Christmas season ay manageable pa naman ang COVID-19 cases sa bansa.

“Nakita namin na after Christmas holidays, manageable naman ang cases natin per day, nagkadesisyon kami na babaaan ang age restriction to 10,” paliwanag niya.
Samantala, nagpahayag ng pagtutol ang mga Metro Manila mayors sa desisyong babaan ang quarantine age restrictions lalo na’t mayroon na ditong UK variant ng COVID-19. Hindi raw ito inirerekomenda ng mga pediatricians na kinonsulta nila.