Mga benepisyaryong tatangging magpabakuna aalisin sa listahan ng priority vaccine recipients

Imahe mula sa Xinhua
  • Aalisin sa priority list ng COVID-19 vaccine recipients ang tatangging magpabakuna
  • Sinabi ni ULAP chairman Cua na isinasapinal na ng mga LGUs ang priority list ng target recipients
  • Kabilang sa priority list ang frontliners, senior citizens at mga mahihirap

Binalaan ng tagapangulo ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) ang mga benepisyaryong nasa priority list ng mga bibigyan ng COVID-19 vaccine na tatangging mabakunahan.

Imahe mula sa PTV

Sinabi ni ULAP chairman at Quirino Governor Dakila Cua na isinasapinal na ng mga local government units (LGUs) ang priority list ng target recipients ng bakuna. Inamin niya na malaking trabaho pa para sa mga LGUs ang paglilinis ng listahan.

“Kailangan natin malaman, ito bang si Mr. Juan Dela Cruz, gusto ba niyang magpabakuna o hindi? Priority nga siya, pero minsan ayaw naman niya. So, kailangan natin linisin pa ‘yung mga listahan. At dyan, napakalaking trabaho pa,” sabi ni Gov. Cua.

Sinabi ng gobernador na nagbigay ng general guidelines ang Department of Interior and Local Government at Department of Health tungkol sa COVID-19 vaccines, pero pinaplantsa pa ang mga detalye.

“Pero yung specific, pinaplantsa pa natin,” ani Gov. Cua na sinabing ang kasama sa priority list ng bakuna ay ang frontliners, senior citizens at mga mahihirap.

Imahe mula sa PIA

Nakatakdang makipagpulong ang mga LGUS sa National Task Force Against COVID-19 sa Martes, January 19, upang mapag-usapan ang mga logistic concerns ng mass vaccination program, kabilang ang pamamahagi at pag-iimbak ng mga COVID-19 vaccines.

Samanta, sinabi ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs na si Martin Diño na ang mga barangay ay may nakahanda nang priority list ng mga residente na babakunahan.

“Sa barangay, uunahin natin, siyempre…magmula doon sa mga barangay tanod, barangay health worker, basta lahat ng nagtatrabaho d’yan. Kasunod niyan mga senior citizen, pagkatapos kung ano na ang direktiba ng aming city at national (government),” aniya.

Ang vaccination program ay posibleng magsimula na sa Pebrero kapag dumating na ang mga COVID-19 vaccines.

Imahe mula sa PNA

Loading…