Hindi na puwede: Mga ngumunguya ng nganga sa pampublikong lugar sa Baguio City

Imahe mula sa PNA
  • Pinaigting ni Baguio City Mayor Magalong ang kampanya laban sa pagnguya ng nganga sa pampublikong lugar
  • Iniutos ng alkalde na dakpin ang maaaktuhang nagnganganga sa pampublikong lugar nang walang dalang spittoon o lagayan ng nginuyang nganga
  • Ang mga establisimyentong mapatutunayang kumukunsinti sa mga nagnganganga ay haharap sa posibleng kanselasyon ng business permit

Ipinag-utos ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na paigtingin ang kampanya laban sa mga ngumunguya ng nganga o “moma” at nagtatapon ng mga ito sa pampublikong lugar sa siyudad upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Imahe mula sa PIA

Sa ilalim ng City Ordinance No. 35 series of 2020 na pinirmahan ni Mayor Magalong noong Marso 2020, mahigpit nang ipinagbabawal ang nakaugaliang pagnguya ng moma at pagdura o pagtatapon ng mga ito kahit saan na lang.

Ang pagnganganga ay bawal sa loob ng sasakyan, pampubliko man o pribado, tumatakbo man o nakahimpil. Ang mga nagnganganga sa loob ng mga pribadong sasakyan ay darakpin at pagmumultahin kapag walang dalang spittoon o lalagyan ng nanguyang moma.

Pagmumultahin din ang mga negosyo na kumukunsinti sa pagnganganga sa loob ng kanilang establisimyento.

Ipinagbabawal din ang pagtatapon at pag-iiwan ng mga spittoons at laman ng mga ito sa kanal, eskinita at sa iba pang lugar maliban na lang sa mga basurahan.

Imahe mula sa TMT

Hindi na rin pinapayagan na makabili ng moma ang mga menor de edad.

Ipinaliwanag ng may akda ng ordinansa na si City councilor Joel Alangsab na hindi ang pagnguya ng nganga ang talagang ipinagbabawal dahil bahagi na ito ng kultura ng lalawigan. Aniya, ang ipinagbabawal ay ang walang pakundangang pagdura at pagtapon nito kahit saan na lamang na posibleng makapagpakalat ng COVID-19.

Limandaang piso ang multa o apat na oras na community service ang ipapataw sa unang paglabag  sa ordinansa. Isanlibong piso at 6 na oras sa community service sa ikalawang paglabag at P2,000 na multa o 8 oras na community service sa third offense. Maaari ring makulong ng hindi lalampas ng tatlong buwan.

Ang mga establisimyentong mapatutunayan na lumabag sa ordinansa ay haharap sa posibleng kanselasyon ng business permit.

Imahe mula sa PIO Baguio City
Source :

Facebook, Tribune

Loading…