Mga residente gumagamit ng improvised zipline sa pagtawid ng ilog

Screenshot mula sa GMA video
  • Improvised zipline ang ginagamit ng mga residente sa Barangay Hawaiian sa Silay, Negros Occidental upang makatawid sa ilog
  • Nasira ng baha ang tulay sa lugar matapos ang ilang oras na malakas na pag-ulan noong ika-8 ng Enero
  • May pondo na para sa bagong tulay subalit matatagalan pa ang konstruksyon dahil gagawa pa ng plano ang City Engineer’s Office at dadaan pa sa bidding process ang proyekto

May kaba man sa dibdib na nararamdaman, walang magawa ang mga residente sa isang barangay sa Silay, Negros Occidental kundi pilitin ang mga sarili na gumamit ng improvised zipline para lang makatawid sa ilog.

Screenshot mula sa GMA video

Isang gulong na ikinabit sa zipline ang sinasakyan ng mga residente ng Barangay Hawaiian sa pagtawid sa ilog matapos masira ang Pulo-Malisbog bridge dahil sa malakas na agos ng tubig sa umapaw na ilog sanhi ng ilang oras na pag-ulan noong ika-8 ng Enero.

Ayon sa mga residente, may ilan pang kalapit na mga tulay ang nasira rin at hindi madaanan dahil sa nangyaring pagbaha. Sabi nila, may iba pa namang  madaraanan, subalit may kalayuan iyon. Hindi rin sila makagamit ng mga balsa dahil delikado. Malakas umano ang agos ng tubig sa ilog.

Buwis-buhay man ang ginagawang pagtawid, kailangan umano nila iyong gawin para makapasok sa kanilang mga trabaho at makapaghanapbuhay.

Pahirapan din para sa mga may karamdaman ang pagkasira ng tulay.

Kuwento ng residenteng si Edna Britanico, isang lalaki na nahihirapang huminga ang isinakay sa zipline upang madala ito sa pinakamalapit na pagamutan.

Imahe mula kay Board Member Ryan Gamboa-Salandigan

Sa Facebook post ni Board Member Ryan Gamboa, presidente ng Philippine Councilors League-Negros Occidental, nakausap umano niya ang Barangay Chairman na si Henry Belleza na nagsabing may aprubado nang pondo para sa bagong tulay.

Ang tanong ng mga residente ay kailan iyon  magagawa para matapos na ang kanilang pagdurusa.

“Mahirap sagutin kung kailan dahil sabi nga natin ang City Engineer’s Office ay gagawa pa lang ng plano at ibi-bidding pa ‘yan,” paliwanag ni chairman Henry Belleza.

Sana naman ma-fast approval pagkat ang nakasalalay dito ay buhay at kaligtasan!

Imahe mula kay Board Member Ryan Gamboa-Salandigan

Loading…