
- Kailangang sumailalim sa swab test ang mga residente sa Maynila na umuwi sa probinsya bago sila makabalik sa kanilang barangay
- Ito ay upang maiwasan ang pagtaas muli ng kaso ng COVID-19 sa lungsod
- Ang mga magpopositibo ay dadalhin sa quarantine facility at ang mga nagnenegatibo ay bibigyan ng certificate upang makapasok sa kanilang barangay
Sasailalim sa RT-PCR o swab test ang mga residente ng Maynila na umuwi sa probinsya bago sila payagang makabalik sa kanilang barangay.

Inanunsyo ito ni Acting City Health Officer Dr. Arnold Pangan sa pamamagitan ng isang memo para sa mga punong baranagay na may petsang Disyembre 22, 2020.
“Ang ating paglaban sa pandemyang dulot ng COVID-19 ay patuloy pa rin kahit sa panahon ng Kapaskuhan,” paalala niya.
“Upang maiwasan ang muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Maynila pagkatapos ng panahon ng Kapaskuhan, ang lahat ng tao na babalik sa ating lungsod simula Enero 2, 2021 ay kinakailangan na sumailalim sa RT-PCR test bago tanggapin sa kanilang barangay,” paliwanag pa ni Dr. Pangan.
Bawat distrito ay mayroong itinakdang swabbing facility kung saan sila pupunta. Mananatili sila roon hanggang lumabas ang kanilang resulta sa loob ng isa hanggang dalawang araw.

Ang mga magpopositibo sa COVID-19 ay dadalhin sa quarantine facility para sa mga confirmed cases habang ang mga magnenegatibo naman ay bibigyan ng medical certificate na kalakip ang kanilang resulta upang ipakita sa barangay.
Narito ang mga quarantine o swabbing facility na maaaring puntahan:
District 1 – T. Paez Quarantine Facility – 09618977816 o 09286731715
District 2 – Patricia Sports Complex Quarantine Facility – 09179609112
District 3 – Arellano Quarantine Facility – 09184044627
District 4 – Dapitan Sports Complex Quarantine Facility – 09516729122
District 5 – San Andres Sports Complex Quarantine Facility – 09178031925
District 6 – Bacood Quarantine Facility – 09461430364 o 09086877105
Sa datos na inilabas ng Manila Public Information Office, mayroong 36 bagong confirmed cases noong Enero 2. Umabot na sa 298 ang kabuuang active cases ng COVID-19 sa lungsod.