Misis ibinahagi ang katas ng home-based job nila ng kaniyang mister

  • Nagbigay ng inspirasyon ang mag-asawa para sa iba pang mga couples o partners na magsikap at magtiyaga
  • Sila ay parehong work-from-home at sa loob lamang ng dalawang taon ay nakapagpundar na
  • Aniya, hindi dapat naghihilaan pababa ang mag-asawa; kailangang nagsusuportahan sa isa’t isa

Sabi nga, ang pag-aasawa ay tinatawag na “pag-iisang dibdib” dahil ang dalawang taong nagmamahalang piniling magsama habambuhay ay magdedesisyon nang sabay para sa kanilang pamilya, sa hirap man o ginhawa. Kaya nga “partners” ang tawag dahil hindi maaaring ikonsidera ang opinyon, saloobin, o damdamin ng isa.

Kagaya na lamang ng kuwento ng mag-asawang “Rap at Christine Estrada” kung saan ibinahagi ng misis sa kaniyang Facebook post ang kanilang mga pinagdaanan sa kanilang “home-based jobs” at kung paano sila nakapag-ipon at nakapagpundar ng kanilang sariling bahay, lupa, at kotse. Hindi raw niya intensyong ipagmayabang ang kanilang tagumpay kundi upang makapagdulot ng inspirasyon sa iba.

Imahe mula sa Facebook account ni Christine Joan Estrada

Kuwento niya, pareho silang nagbitiw na mag-asawa sa kani-kanilang mga trabaho sa BPO companies at sinubukan ang work-from-home. Hindi naging madali ang kanilang pinagdaanan. Maraming mga panayam na hindi nila naipasa, mga resumes na tila nasayang lamang, at nagkautang-utang pa sila.

Habang nagtatrabaho sa wok-from-home scheme, nagtinda sila ng leche flan at kung ano-ano pa upang makabayad ng bills.

“Nag-start kami sa pinakamababang rate as chat/email support. Since gusto namin makaipon kaagad, nag-work kami nang puwersahan, 12 HOURS A DAY ako, asawa ko naman 18 HOURS A DAY/NO DAY OFF/NO DULL MOMENTS kasi live chat, iba-ibang language pa.”

“Kumuha rin kami ng iba-ibang clients, para kung may mawala man may back-up. Take note, sobrang baby pa ni Aaliyah at walang ibang nag-aalaga kundi kami lang. Sobra-sobrang struggle pero thanks God, nakayanan namin,” saad pa niya.

At makalipas ang dalawang taong pagsusumikap at pagtitiyaga, nakaipon sila ng sapat na pera upang makabili ng kotse, makakuha ng insurance na may investment, na-promote sa kani-kanilang mga trabaho, at nakabili ng sariling bahay.

Imahe mula sa Facebook account ni Christine Joan Estrada

“Flexible hours sa work and dream rate per hour, achieved!! Literal na bunga ng puyat at pagod. THANK YOU LORD!! Walang hanggang pasasalamat sa paggabay sa amin,” pasasalamat niya sa Poong Maykapal.

“Basta parehas kayong mag-asawa na maghihilahan pataas, naniniwala akong lahat kakayanin. At sa dalawang magagandang anak namin, para sa inyo lahat ‘to. Kayo ang suwerte namin,” sabi pa niya.

Kaya naman, nag-iwan siya ng mga kaisipan para sa lahat.

“HUSTLE HARD! Kayod nang maaga, enjoy later. Choosing the right partner will also impact your success.
PS: HEALTH IS IMPORTANT, kaya tinigil na namin ang pagiging adik sa trabaho. Balance-balance rin.”

Congratulations sa mag-asawa! Nawa ay maging inspirasyon kayo sa iba!

Source :

Facebook

Loading…