MMDA chairman Danny Lim hindi nakaligtas sa Covid-19

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Namaalam na sa mundo si MMDA chairman Danny Lim sa edad na 65
  • Noong nakaraang linggo ay inamin niyang nagpositibo siya sa COVID-19
  • Nagpaabot ng pakikiramay ang Palasyo sa pagyao ng retiradong heneral

Tuluyan nang namahinga si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Danilo Lim nitong Miyerkules, Enero 6, sa edad na 65 anyos.

Noong nakaraang linggo ay ibinahagi ni Lim sa kaniyang Facebook account na nagpositibo siya sa COVID-19 matapos sumailalim sa routine swab testing bilang isa sa mga frontliners ng MMDA.

Imahe mula sa Facebook

“Kagabi, matapos kong sumailalim sa routine swab test, nakuha ko na ang results at lumabas na positive ako sa COVID-19 sa kabila ng palaging pag-iingat at pagsunod nang maigi sa mga health protocols sa lahat ng pagkakataon,” ani Lim noong Disyembre 29.

Nitong Miyerkules, Enero 6, ay kinumpirma ng Malakanyang ang pagyao ng MMDA chairman.

“The Palace expresses its deep condolences to the family, loved ones, and colleagues of Metropolitan Manila Development Authority Chairman Danilo Lim who passed away before 8 a.m. this morning at the age of 65,” ayon sa mensahe ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa mga mamamahayag.

Imahe mula sa Facebook

Si Lim ay isang retiradong brigadier general ng AFP at isa sa namuno noon sa 1989 coup laban sa gobyerno ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Siya ay nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) at kabilang sa Makatarungan Class 1978. Naging kasapi rin siya ng Reform the Armed Forces Movement (RAM) noong 1980s at nasangkot sa makasaysayang People Power Revolution noong 1986.

Taong 2007 naman nang mag-alsa ang kanilang grupo laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kasama sina Antonio Trillanes at Nicanor Faeldon sa tinaguriang ‘The Manila Peninsula Siege’.

Lim at Trillanes| Imahe mula sa ABS-CBN News

Nanungkulan din si Lim bilang Deputy Commissioner ng Bureau of Customs (BOC) sa ilalim ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III subalit nagbitiw sa tungkulin dahil sa malawakang katiwalian sa loob ng ahensiya.

Noong Mayo 2017, pormal na tinanggap ng dating heneral ang alok ng Duterte administration para pamunuan ang MMDA.

Loading…