Na-dismiss na reklamo kay Sen. Koko Pimentel hinggil sa quarantine violations maaari pang iapela

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Koko Pimentel
  • Ibinasura ng DOJ ang reklamong paglabag sa quarantine laban kay Sen. Koko Pimentel
  • Sinabi ni DOJ Sec. Guevarra na maaari pang iapela ang na-dismiss na reklamo
  • Kailangan lang maghain ang complainant ng petiton for review sa Office of the Secretary of Justice

Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang reklamo laban kay Senator Aquilino “Koko” Pimentel III hinggil sa diumano’y paglabag niya sa quarantine noong March 2020 nang magtungo siya sa isang ospital at membership shopping club kahit positibo siya sa COVID-19.

Imahe mula sa DOJ

Ang abogadong si Rico Quicho ang nagsampa ng reklamo kontra sa senador. Paglabag sa Republic Act 11332, o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act at sa tatlo pang kautusan ng Department of Health ang isinampang reklamo.

Sa pahayag ng Office of the Prosecutor General, hindi raw sakop ng naturang batas si Sen. Pimentel dahil hindi naman daw ito isang public health official na obligadong mag-report.

“The mandatory reporting under R.A. No. 11332 was meant for public health authorities only,” ayon sa pahayag nito.

Sinabi pa ng mga prosecutors, wala pa namang dapat i-report noon ang senador dahil nalaman lang niya na positibo siya sa COVID-19 noong araw mismo na nagtungo siya sa Makati Medical Center noong March 24, 2020 upang samahan ang buntis na asawa. March 16, 2020 naman siya nagtungo sa S&R sa BGC.

Imahe mula sa Office of Senator Aquilino Pimentel III

Ang mga ebidesyang iprinisinta ng complainant ay hearsay lang daw dahil nanggaling ang mga iyon sa mga news reports.

Samantala, sinabi naman ni DOJ Secretary Menardo Guevarra na maaari pang iapela ang na-dismiss na reklamo kay Sen. Pimentel.

“The resolution of the investigating prosecutor in the case of Sen. Koko Pimentel may be the subject of an appeal to the Office of the Secretary,” ani Sec. Guevarra.

Imahe mula sa Senate PRIB

Sa ilalim ng mga patakaran ng National Prosecution Service sa mga apela ay maaari raw maghain ng petition for review sa Office of the Secretary of Justice ang complainant.

Loading…